3.27.2007

Sa Parke ng San Mateo, Isang Anghel

Masaya ang parke ng San Mateo. Taas noong ipinagmamalaki ng mga taga- San Mateo ang lugar na ito. Ang bawat sulok ay napupuno ng galak at saya. Ng tawanan at tamis. Ang parke ng San Mateo ang pinakamasayang lugar na maaaring mapuntahan, ayon sa kanila. Walang bahid at dalisay. Katulad rin ng ibang parke, may pangakong kasiyahan at kaunlaran ang pangakong lupa.

***

Katulad ng dati, wala pa ring kapaguran ang lugar. Bawat sulok ng parke ay napupuno ng buhay. Malimit talagang magpunta rito ang mga tao. Lalo pa’t kasamang dumating ng buwan ng Disyembre ang malamig na simoy ng hangin. Masarap sa pakiramdam ang marahang paghaplos nito sa balat. Isama mo pa ang musika ng nagkukuskusang dahon ng mga puno ng niyog na pumapalibot sa gilid ng parke. Mauulinigan din ang yabag ng mga tao sa sementadong sahig; ang halakhak ng mga batang naghahabulan; at ang hagikgik ng mga dalaga’t binatang nagliligawan. Ang lahat ay nakangiti at nagtatawanan.

Sa may bandang gitna matatagpuan ang isang malaking fountain. Nakaaaliw ang biglaang pagbulusok ng tubig paitaas at marahang pagbaba. Dito rin naghahandog ng maliit na palabas ang mga Sirkero at grupo ng mga mananayaw para sa kaunting barya. Si Kuya Pedro ang lider ng mga nagsisitalunang mga mananayaw. Malaki ang kalamnan at may kaunting kaitiman si Kuya Pedro. Maitim rin ang kaniyang mga ngipin at naninilaw ang mga mata, dala marahil ng madalas na paninigarilyo. Gayunpaman, hindi siya kinatatakutan ng mga dumadalo sa parke. Wala kasing pakialam ang mga tao sa kung ano mang ugali mayroon si Kuya Pedro basta’t nakapagbibigay siya at ang kaniyang grupo ng aliw. Dahil dito, galante ang mga taong magbigay ng kanilang mga pera sa tuwing nagtatanghal sila sa may fountain. Matapos ngang magtanghal ang mga ito, magtutungo na ang mga bata sa kabilang dulo ng parke kung saan naroroon ang Istante ng pisbol ni Mang Jose.

Katulad nina Kuya Pedro, malakas rin naman ang kita ni Mang Jose. Kumpol- kumpol ang mga taong bumibili sa pisbol at kikyam ng matandang ito. Sa halagang singkwenta sentimo’y tiyak na mabubusog ka sa linamnam ng tinda niya. Lalo pa kung isasawsaw mo ang mga ito sa espesyal na sawsawang suka at bagoong. Walang sawa ang pagtangkilik nila sa luto ni Mang Jose. Kahit na paminsa’y pinapaulanan siya ng tukso ng mga bata dahil sa pagiging bungal, panay pa rin ang ngiti ng matanda. May kumalat na haka-haka noon na minsan daw ay nakitang nakahalo sa masarap na sawsawan ang pustiso ng matanda. Pinabulaanan na lang ito ni Mang Jose kasama ang pagpapaliwanag na sinisiraan lamang siya ng kapwa tindero ng pisbol.

Habang nagpapakasawa sa katatakbo ang mga bata sa gitna ng parke, ang ilan naman ay nakaupo lamang at nagmamasid mula sa mga yantok na upuan sa ilalim ng puno ng niyog. Madalas ang matatanda ay abala sa paggagantsilyo, karaniwang gawain ng matatanda. Ito ang gawain ni Lola Rosa na palagiang nakaupo sa tapat ng pisbol istand ni Mang Jose kung saan walang tigil ang pagbili ni Butchikik, ang kaniyang apo. Mukhang palaging may malalim na iniisip si Lola Rosa. Mapapansing madalas, habang tinitignan ang mga bata, kumukunot ang noo niya’t napapailing.

Mga ilang dipa mula sa upuan ni Lola Rosa makikita ang naglalako ng mga lobo. Bago lang ito sa parke ngunit mabilis namang pumatok ito sa mga namamasyal. Madali kasing mapansin ang iba’t ibang kulay ng kaniyang mga lobo. Sari-saring lobo ang dumaragdag sa kagandahan ng parke. Pula at dilaw ang kalimitang kulay ng mga lobo. May korteng aso, korteng puso at ‘yung ordinaryong bilog ang korte. Mas lalo tuloy nakapanghihinayang ang di sinasadyang paglipad nito sa langit dahil sa kapabayaan ng mga batang nagkakatuwaan.

Mga bulaklak naman ang mabenta para sa mga magkasintahan. Buong sayang inaamoy ng mga kababaihan ang mga bulaklak. Walang kasing ningning ang mga mata habang pinapanood ang asul na himpapawid kasama ng kanilang minamahal. (Hindi marahil napapansin ang mabilis na paglanta ng bulaklak.) Sa mga araw tulad ng sa Pebrero napupuno ang parke ng mga magkasintahang bumibili ng mga rosas. Matamis ang bawat ngiti at kahit mahina ang pagbubulunga’y ‘di lingid sa isipan ng lahat ang pamumukadkad sa kanilang mga hardin

Kasama ng paglubog ng araw nabubuo ang panibagong buhay sa parke. Binubuksan ang iba’t ibang ilaw na nakapaligid sa mga parol na nakasabit sa mga puno ng niyog. Mga nakasisilaw na dilaw at asul na ilaw ang pumapalibot sa mga puno. Sa mga oras na ito, nagsisimulang magsilabasan ang mga tindera ng puto bumbong at bibingka. Ang mga Sirkero’y pumupwesto na sa may fountain sabay sayaw, talon at kanta. Maghahagis naman ng barya ang mga taong may hawak na puto bumbong o di kaya’y pisbol. Kaunti na lamang ang mga batang naghahabulan ngunit dumarami naman ang bilang ng mga mag-asawa’t magkasintahang naglilibot.

Sa paglalim ng kadiliman ng gabi, unti-unting nauubos ang mga tao. Isa-isa silang nagsisialisan, badya upang magpahinga na ang parke. Patay na ang makukulay na ilaw ng pasko. Matapos ang lahat ng mga aktibidades sa paligid, ang ingay ng sigaw at halakhak, muling maririnig ang ihip ng hangin. Malamya ang mga nota ng nagluluksang mga puno. Tahimik ang pakikiramay ng parke. Sa ilalim ng upuan na yantok, sa tabi ng puno ng niyog, buong lungkot na pinagluluksaan ng parke ang bawat patak ng luhang kinalimutan ng madla. Mga hikbi. Mga patak ng luha. Nag-iisang humihimlay sa piling ng parke.

No comments: