3.27.2007

Doon Sa May Silong

“Maniniwala ka ba kapag sinabi kong ni-rape na ako noon?”

Mabilis ang mga pangyayari. Parehas kaming hingal-aso sa sobrang katatakbo upang maghanap ng masisilungan at sa kalagitnaa’y bigla na lamang siyang napatigil. Kinailangan ko pa siyang daragin patungo sa waiting shed. Basang-basa kami at nang mahimasmasa’y bigla siyang napakwento.

Malakas ang buhos ng ulan na tila ba may ga-higanteng nagtatambol sa kung saan. Gayunpaman, nangibabaw ang marahan niyang boses. Huminga siya ng malalim. May kalayuan din ang aming tinakbo upang makarating sa hintayan ng mga sasakyan. Walang tao sa paligid maliban sa amin. Malapit na kasing maggabi ngunit heto kaming dalawa, animo’y mga basang sisiw na naliligaw.

Hindi ko mawari ng mga sandaling iyon kung garapalan na naman ba akong binibiro ng aking kaibigan. Madalas kasi akong gawing sentro ng katatawanan dala na rin marahil ng aking pagiging batang-isip. Itinuturing nila akong bunso sa aming grupo habang siya naman ang pasaway at laki sa layaw na bata. Tiningnan ko ng maigi ang kaniyang mga mata bago sinagot ang kaniyang sinabi. “O? Joke ba yan?”

Katulad ng aking inaasahan, lumaki nga ang kaniyang mata sabay halakhak. Ano pa’t napatawa na rin ako kasabay niya. May pagkapilya talaga siya. Medyo nasanay na rin ako sa mga hirit niya. Marahil isang taon na ang lumilipas ng lumipat silang mag-anak dito sa probinsya. Tinanggap namin siya nang buong puso hanggang sa siya’y naging isang kabarkada.

“Gago ka talaga,” sambit ko sabay palo sa kaniyang likuran. “Kumukupas na mga joke mo ‘tol.”

Umupo na ako at inaya siyang umupo na rin pero mas gusto raw niyang tumayo na lamang upang matanaw kung may paparating nang tricycle. Sa kasamaang palad, kahit na humina ng kaunti ang buhos ng ulan. wala pa ring tricycle na dumadaan. Shit, naisip ko. Mukhang sesermonan na naman ako sa bahay.

Masigasig na nakatitig ang aking kaibigan sa dulo ng daanan. Naiinip na rin marahil kahihintay sa tricycle. Kapag minalas nga naman.

Kinalabit ko siya. “Matagal pa kaya? Lilitsunin na ‘ko ng tatay ko pag natagalan pa e.”

Umiling siya sabay bumalik sa pagaabang. Matibay din talaga. Kanina pang nakatayo at di man lamang nangangawit. Wala pang kaimik-imik. Natatahimik rin pala ang babaeng ito.

Wala nang ibang mauulinigan pa kundi ang tunog ng bawat patak ng ulan. Nag-isip ako ng mabuti ng maaaring pag-usapan. Kakatuwa ang episode ng PBB kagabi. Pinarusahan ‘yong babaeng lumandi kay Sam Milby. Magandang pag-usapan ang babaing iyon dahil ayaw ng barkada namin sa kaniya kung kaya’t matindi ang panlalait namin doon. Binuksan ko ang aking bibig upang magsalita ngunit napatigil dahil sa nagsalita siya.

“Mag-iisang taon na rin siguro o mahigit pa.” Nakatingin pa rin siya sa malayo at tulad ng malamig na paligid may halong lamig ang kanyang tono.

Pakiramdam ko noon ay magdadrama ang kaibigan ko¾ senti mode. Mukhang ang magiging usapa’y tungkol sa aming pagkakaibigan. Ngunit, taliwas sa aking inaakala ang kanyang mga sinabi pagkatapos.

Napatawa siya ng kaunti, natigilan. Hinihintay niya marahil kung anong isasagot ko at nang hindi ako nagsalita, ipinagpatuloy niya ang pagkukwento.

“Nakapunta ka na ba sa club? Sa bar?”

Umiling ako sa kanya. “Hello? Ni hindi nga ko umiinom tapos magbabar ako. Asa.”

“Oo nga naman. Bano ka nga pala sa mga ganyan. Ayos ‘yan, inosente ka pa.”

Lumapit siya sa akin at umupo na rin sa aking tabi. Hihiritan ko dapat siya, tutuksuhin kumbaga ngunit muli akong natigilan. Sa pag-upo niya kasi sa aking tabi, mas lalo kong napagmasdan ang kanyang mga mata. Noon pa man ay malamlam na ang mga ito pero may kakaiba rito noong mga panahong iyon.

Napansin niya marahil ang pagtitig ko dahil ibinaling niya ang atensyon sa malayo. Ngumiti siya. “Kanina n’ong tumatakbo tayo. Napagod ako kaya tumigil ako sa kalagitnaan.”

“Bangag ka talaga. Sa susunod, ‘wag mo kong idadamay sa mga trip mo! Parehas tuloy tayong naligo sa ulan.”

“Napagod ako e. Ayokong napapagod. Parang naisip ko kanina, bakit pa natin kailangang tumakbo e mababasa rin naman tayo? Alam mo bang mas mababasa ka raw kapag tumakbo ka habang umuulan kasi nakukuha mo lahat ng patak sa konting oras lang?”

Malabo talaga ang kaibigan ko. Ganun siguro ‘pag laking Maynila. Magulo makipag-usap. Wala pang point. “Please lang ha. ‘Wag mo kong bigyan ng lecture sa kung anong scientific explanation meron yan at wala akong natututunan sa Physics. Basta sabi ng nanay ko, ‘pag umulan, tumakbo ka sa silong. Period.”

Napatawa ulit siya habang nakatingin pa rin sa malayo.

“May party kasi n’on ‘tol,” panimula niya. “Sa Manila, uso ang clubbing.”

Ang labo. Parang natunaw na ng ulan ang kaunting katinuang natitira sa kanya. May pagkabangag talaga ata. Clubbing? Paki ko naman d’on.

“Nagpaparty kami ng mga letse kong kaibigan. Hindi kayo¾” dagdag niya ng makita ang simangot sa mukha ko. “Gaga, ‘yong mga kaibigan ko sa Manila. Letse sila hindi kayo.”

“Akala ko kami e. Muntik na kitang itulak sa may ulan para diyan ka magpakabangag.” pabiro kong sinabi. Inasahan kong tatawa siya ngunit ni hindi siya ngumiti.

“Nilasing ako ng mga puta. Ewan ko, baka may hinalo sa inumin kong kung ano.”

Natahimik ako. Naaninagan ko kung saan papunta ang usapan. Walang halong pagbibiro ang tono niya. Wala akong kawala. Kahit na ayaw ko ng marinig ang mga susunod na detalye, hindi ko siya magawang pigilan. Hindi handa ang isip ko sa mga maaari niyang sambitin. Natakot ako. Kumuha siya ng sigarilyo mula sa kaha sa kanyang bulsa at sinindihan ito.

“Boyfriend ko nga iyong may gawa. Isipin mo, pagkagising ko wala na lahat.”

Nagkwento siya na tila ba isang ordinaryong pangyayari lang ang lahat. Hinithit niya ang sigarilyo at bumuga ng usok. “Ay sori, ayaw mo nga pala sa usok.”

Nilunok ko ang aking laway upang maalis ang harang sa lalamunan. “Sinabi mo ba sa parents mo?”

Humithit siyang magmuli sabay buga sa kabilang dako. “’Sus, bakit pa? Busy sila sa trabaho. Alangang sabihin kong ‘Pa, binaboy ako kagabi!’ Lalaki lang ang gulo ‘di ba? Ewan. O baka naman dahil tanga lang talaga ako. Bobo. Kaya nga bumabagsak ako sa Calculus. Turuan mo ko bukas a.”

“Ayaw mo bang mabigyan ng¾

Justice? ‘Di na uso yan sa Pinas. Ano ka ba? E ‘yong mga kaibigan ko nga n’on eh¾ mga letse talaga. Mas pinaniwalaan ‘yong puñetang lalaking ‘yon. Iyong iba, pinagtakpan pa. Once a puta, always a puta daw. Mga letse. ”

Hindi ko alam kung anong dapat kong sabihin, kung anong dapat kong maramdaman. Hindi ko alam kung dapat pa ba ‘kong magtanong. Katulad ng dati, naliligaw na naman ako.

“Ba’t ganyan hitsura mo? Para kang pinakain ng ampalaya a. Wala ‘yon ‘tol, tapos na ‘yon. Kinalimutan ko na. Wala, naalala ko lang talaga ng bigla. Haha, labo ‘no? Nakakapagod kasi tumakbo. O! ayan na pala tricycle e! Psst, manong dito!”

Pumasok kaming dalawa sa tricycle at naghiwalay sa pag-uwi. Hindi na niya binanggit pa ang tungkol sa mga napag-usapan naming ng gabing iyon. Ganoon din naman ako. Nagkita kaming dalawa, nagkamustahan kinabukasan, na tila ba walang nangyari kinagabihan. Tinuruan ko siya sa Calculus at pumasa kami sa pagsusulit. Nangyari at natapos ang lahat doon sa may silong. Nangyari. Natapos.

No comments: