3.29.2007

Ang Babae

Kilala ang isla ng Busan sa pagiging produktibo nito sa aspeto ng mga panghuhuli ng isda. Sa ayaw o sa gusto ng mga taong namumuhay rito, ang panghuhuli na nga ng iba’t ibang uri ng mga isda ang marahil na ka-isang trabaho nila sa buhay. Mula pa sa kanilang mga ninuno, namana na nila rito ang lahat ng mga pamamaraan upang mas makahuli ng masagana. Kaya’t para sa lolo ni Tony, ito na rin ang tanging trabahong ginagawa nilang lahat upang mabigyan ang mga pamilya nila ng angkop na buhay. Si Mang Tomas, lolo ni Tony, ay kilala bilang isa sa mga pinakamatanda sa buong isla. Dahil dito’y madalas sa kaniya lumalapit ang mga tao upang humingi ng mga payo ukol sa iba’t ibang mga bagay kasama na ang trabaho nilang pangingisda.

“Manong, ano po ba ang angkop na paraan ng pangingisda sa ngayon? Kasi po nahihirapan kami dahil madalas ay hindi maganda ang panahon sa ngayon eh,” pahayag ng isa sa mga mamayan doon.

Aba, sa tingin ko’y dapat maging matiyaga lang kayo sa panghuhuli. Kung ginagawa niyo ang mga dati pang pamamaraan ng panghuhuli, tiyak din kayong makakahuli ng marami,” ani ng matanda.

Ngunit kung titignan ng mabuti, ang personalidad ni Tony ay kakaiba sa kilalang pag-katao ng lolo nitong si Mang Tomas. Kung ang lolo nito’y iniisip ang mga bagay-bagay ukol sa kanilang mga hanapbuhay, si Tony naman ay nasa iba lang ang utak. Para sa kaniya, mas importante pa ang kasarapan ng buhay. Hindi niya gusto o hindi niya nais sundin ang lahat ng mga gawain ng mga tao sa islang iyon. Mula sa pagkabata nito tanging ang pagtulog at paglibang lamang ang mga bagay na ginagalawan ng mundo niya. Kung ang mga kapwa niyang bata’y sumasama sa mga nakatatanda upang mangisda, siya naman ay naiiwan lang sa kanilang bahay upang magpahinga o maglaro.

Tumira na si Tony mula pagkabata pa lamang sa kaniyang lolo sapagkat iniwan siya ng kaniyang mga magulang noon. Maraming mga nagsasabi na isang di-inaasahang anak si Tony ng mabuntis ng kaniyang ama ang kinakasama nitong babae. Gusto pa raw sana ipalaglag ng babae ang anak ngunit kinausap ito ng matandang si Tomas upang siya na lang ang mag-alaga rito.

Si Tony ay madalas na nagpupunta sa may baybay-dagat upang maglakad at magpalamig sa tubig dala ng mga alon. Pero isang araw, habang nilalakbay nito ang tabing dagat ay may narinig itong boses na tumatawag dito.

“Saklolo! Saklolo! Mabuting bata tulungan mo ako. Nandito ako sa may tubigan lang,” sabi ng isang isang babae. Dahil sa narinig napatingin si Tony sa may tubigan ng dagat. Sa pagkalubog na ng araw, hindi na masyadong malinaw ang mga nakikita niya sa oras na iyon. Mabuti na lamang at ang babaeng ito’y naisip na batuhin ang naglalakad na si Tony. Biglang napansin ng lalaki ang nakahigang babae sa may mababaw na parte ng dagat.

“Ikaw? Anong ginagawa mo diyan? Hindi ka ba maka-ahon diyan?” tanong ni Tony sa nakitang babae.

“Paumanhin, patulong naman. Hindi ako maka-ahon sapagkat may malaki akong sugat sa aking mga binti,” sagot ng babae.

Sa pagtulong ni Tony sa babaeng iyon, napansin niya kaagad ang mga naglalakihang sugat ng babae sa may binti nito. Tinignan niya ito ng mas mabuti at nakita niyang ang babae ay may tama ng bala sa parte ng binti nito.

“HA…….. Ano ang nangyari sa iyo? Napaano ka? Bakit mayroon kang sugat mula sa pagkabaril?” takot na tinanong ni Tony dito. Sa ilang segundo ay bigla na lamang nahi-matay ang babae sa may harap niya. Dali-dali naming kinarga ito ni Tony at dinala sa kanilang kabahayan. Mabuti na lamang at sa oras na iyon, nandoon sa kanilang lugar si Mang Tomas. Diniretso ni Tony ang kargang babae sa may banig sa tabi ng pintuan ng bahay nila.

Nagtaka ang matanda sa nakitang babae sapagkat patuloy ang daloy ng dugo nito mula sa mga sugat na tinamo niya. Matindi ang iyak at kaba ng bata habang tinitignan ito ng kaniyang lolo. Humingi ng tulong si Tony mula sa kaniyang lolo, upang tulungan sana siyang itigil ang dugo na galing sa mga sugat ng babae.

“Lolo… Tulungan niyo po ako sa kaniya? Parang awa niyo na, tanggalin natin ang balang natamo niya at linisin natin ang kaniyang mga sugat,” paki-usap ng bata.

“Sige iho, kumuha ka ng alkohol, koton, band-aid diyan sa gabinete habang tatawagin ko lang and doktor natin dito sa isla,” sagot naman ng matanda. Tumayo ng mabilis ang bata at kinuha ang lahat ng mga bagay na kinailangan nila. Samantalang ang matanda naman ay pinahanap ang doktor sa kanilang lugar, si Dok Martin. Makalipas pa ang ilang minuto’y nagkita muli ang matanda dala ang doktor at apo sa may kabahayan nila.

“Doktor, parang awa niyo na, iligtas natin siya mula sa kapahamakan!” pahayag ni Tony dito.

“Gagawin ko ang lahat ng aking makakaya upang mailigtas siya,” sagot naman ng doktor.

Sa lalim ng balang tinamo ng babae, nagdesisyon ang doktor na kailangan niya itong operahan sa mismong oras na iyon kung hindi mamatay na ito. Bumalik ang doktor sa may klinika niya at kumuha ng mga gamit para magawa ang prosesong ito. Patuloy pa rin naman ang pag-aasikaso ni Tony dito. Sinusubukan niyang pakiramdaman ang pulso ng babae at tignan kung may malay pa ito.

Makalipas ang dalawampung minuto, bumalik din ang doktor upang operahan at tang-galin na ang bala sa may binti ng babae.

“Tony, maari bang tulungan mo ako sa pag-opera ko? Ang kailangan mo lang gawin ay sundin ang mga bagay na sasabihin ko, huwag ka na sanang umiyak,” paliwanag ng doktor.

“Sige po, sabihin niyo lang po ang aking gagawin,” sagot ng binata. Ang matandang si Tomas naman ay matahimik na nakatayo sa tabi nila habang ginagawa ng doktor ang pag-opera. Kitang-kita sa mata ng lahat ang matinding pagkakaba sa oras na iyon. Ha-bang inooperahan ang babae, patuloy lamang ang paglabas ng dugo mula sa mga sugat niya. Dahil dito’y halatang matamlay na ng todo ang babae. Ang atensiyon ni Tony ay nasa pag-oopera lamang ng doktor sapagkat siya ang may hawak ng mga gamit sa prosesong isinasagawa.

Lumipas ang mahigit isa’t kalahating oras at natapos na rin ang pag-opera ng doktor. Tumigil na rin ang pandudugo ng mga sugat sa binti ng babae. Tinatahi na lamang ang sugat na nakuha nito mula sa pagtama ng bala. Sa wakas, naging mahinahon na rin ang pakiramdam ng lahat dahil malinaw na naging matagumpay ang doktor sa pag-opera sa babae. Si Tony naman ay nakahinga na rin ng malalim sa nakitang resulta.

“Iho, saan mo ba nakita o napulot ang babaeng ito? Nakakagulat naman ang bigla mong pagdala sa kaniya rito kanina,” sabi ni Mang Tomas.

“Eh nakita ko siya sa may baybay-dagat, nakalatag lamang po ito doon. Mismong ako po’y nagulat sa aking nakita dahil duguan na siya sa mga oras na iyon,” paliwanag naman ni Tony sa matanda.

Kinausap naman ng doktor ang matanda at ang apo nito. Sinabihan niya ang pareho na hayaan na munang magpahinga ang babae. Medyo matatagalan pa raw ito bago magising o kanilang maka-usap. Maliban dito, sinabi rin ng doktor na baka may possibilidad na hindi na ito makalakad pa dahil sa natamong balas a binti. Pero pinaalala-hanan pa rin niya sila na maging positibo ang pag-iisip sa bagay na ito.

“Maraming salamat Dok! Hindi ko na siguro alam ang mangyayari sa babaeng ito kung hindi niyo siya kaagad inoperahan,” pahayag ni Tony.

“Walang anuman, alam mo namang ito ang aking linya sa buhay kaya’t karapat lamang na gamutin ko siya,” sagot ng doktor.

Inihatid na muna ng matanda ang doktor pabalik sa kabahayan nito habang si Tony naman ay nag-ayos ng mga gamit sa kanilang bahay. Pagbalik ni Mang Tomas, tinawag niya kaagad ang apo upang mag-usap silang dalawa.

“Tony, pinahanga mo ako sa ginawa mo, kung hindi dahil sa ‘yo, sa palagay ko’y patay o wala nang buhay ang babae na ito,” puri ng matanda.

“Oh nga po, masaya ako sa aking nagawa, kahit papaano’y may nagawa ako sa kaniya upang sagipin ang kaniyang buhay,” tugon naman ni Tony.

Dumaan ang mahigit dalawa’t kalahating araw, sa wakas nagising na rin ang babae at nagkaroon na rin ito ng malay. Mabuti na lamang nasa bahay si Tony nang maganap ang kaganapang ito.

“Sino ka? Nasaan ako? Ano itong mga plaster na nasa binti ko?” tanong ng babae.

“Huwag kang mag-alala, nasa mabuting kang kamay. Ako nga pala si Tony, yaong lalaking nakita mo sa may baybay-dagat. Mabuti nakita kita kaagad dahil kung hindi, sa palagay ko’y baka tuluyan ka nang namatay doon,” sagot ng binata “Ano nga pala ang pangalan mo,” tanong ni Tony.

“Ako nga pala si Jennifer,” tugon ng babae.

Ngunit dahil sa mga nangyari, hindi napigil ni Tony na magtanong kung saan natamo ng babae ang mga sugat niya. Mula pa nga sa pagkakita niya rito, nabagabag na siya kung ano ang kadahilanan ng pagtamo ng iba’t ibang mga sugat sa binti ng babae.

“Ano bang nangyari sa ‘yo? Saan mo nakuha ang mga sugat mo? Sino ang bumaril sa iyo?” mausisang tinanong ng binata rito.

“Isa akong aktibista laban sa gobyerno natin sa may kalapit na Isla. Noong huling buwan pa lamang, may mga natatanggap na akong mga sulat ukol sa aking buhay. Mga sulat na ang laman ay ukol sa planong pagpapatay nila akin. Sa kasamaang palad, noong nakaraang gabi lamang, pinasok nila ang aking bahay at dinakip nila ako. Dinala nila ako sa may isang kabahayan at doon ay pinahirapan nila ako. Nilapastangan nila ang aking pagkababae sapagkat ako’y ginahasa nila. Inabuso nila ako ng parang isang taong walang dignidad,” paliwanag ni Jennifer. Bigla na lamang umiiyak ang babae sa pagkuwento kay Tony. Niyakap ng binata ang babae at pinunasan nito ang luhang dumadaloy sa mukha niya.

“Pagkatapos, para siguradong mamatay ako, binuhat at tinapon nila ako sa gitna ng dagat. Maliban dito’y binaril pa nila ako! Mabuti na lamang ang aking binti ang tinamaan ng bala nila,” dagdag pa ni Jennifer.

Sa hapon ng araw na iyon, naka-usap naman ni Mang Tomas si Jennifer at nalaman na rin niya ang kadahilanan ng lahat ng nangyari sa babae. Dahil sa sobrang pagkaawa, hindi rin na kayanan ng matanda ang napag-usapan kaya’t napaiyak din ito.

“Mga walang puso ang mga taong dumakip, gumahasa at sumubok na pumatay sa iyo!” pahayag ng matanda.

Lumipas ang mahigit isang buwan bago nakabalik ang babae sa kaniyang normal na buhay. Sa awa ng Diyos, ito’y nakalakad pa rin pero kinailangan ng rehabilitasyon kaya’t tinulungan ito ni Tony at ng doktor. Mula sa araw na ito, kitang-kita sa mga ngiti ng ba-bae ang saya sa muling paglalakad at pagbalik ng kaniyang buhay.

“Jennifer, ano ang balak mo? Babalik ka pa ba sa iyong lugar o sa iyong dating

buhay?” tanong ng matanda rito.

“Sa tindi ng dinaanan ko sa aking dating buhay, mas gugustuhin ko pa pong manira-han sa isla na ito. Parang ninanais kong magsimula muli ng aking buhay dito. Pero ang problema lang po’y hindi ko po alam kung paano ko gagawin iyon,” sagot ng babae.

Aba kung prinoproblema mo kung saan ka maninirahan dito’y bukas ang mga pinto ng aking bahay upang ikaw ay tumira rito,” mungkahi ng matanda.

Bigla na lamang sumaya ang mukha ng babae. Pati si Tony ay nagalak sa narinig na balita sapagkat magkakaroon siya ng bagong kaibigan o kakasama roon. Kung titignan, parang tinuring kapamilya na nila si Jennifer.

Hindi na muling bumalik ang babae sa kaniyang dating buhay o sa kaniyang dating lugar. Mas pinili pa niyang manirahan kina Mang Tomas at Tony sapagkat dito’y ligtas siya mula sa mga nais na pumatay sa kaniya. Sa katapusan, nag-iba ng identidad si Jennifer dahil nagbagong buhay ito at lumipat na ng tirahan. Sanhi ng mga nangyaring masasamang nakaraan dito, pinili niya itong bagong buhay upang bumangon mula sa lahat ng masasamang bagay na dumaan sa buhay niya.

Kasama nina Mang Tomas at Tony, nakakuha ng opportunidad si Jennifer na mani-rahan ng matahimik at mapayapa muli.

No comments: