3.29.2007

Liham ng isang Sugatang Tulisan

Alas-kwatro na ng madaling araw – ang paborito kong oras. Sa ganitong oras kasi, tila burado lahat ng kamalian sa mundo. Sariwa ang haplos ng hangin, purong puro ang kadiliman ng kalangitan, at ang tinig ng mga insekto lamang ang iyong maririnig.

Mahimbing ang tulog ng mundo. Kaunting oras na lamang, muli na namang babangon ang sangkatauhan upang simulan ang panibagong yugto ng walang kamatayang mga tunggalian. Iyan ang sabi sa Das Kapital ni Marx. Limang taon na rin mula ng una kong mabasa ang aklat na iyon. Sa totoo lang, hindi ko naintindihan ang kabuuan ng librong iyon. Pero dahil gusto ko talagang sumali sa kilusan para sa rebolusyon, alam kong kailangan ko ng sapat na kaalaman upang aking masuportahan ang aking mga paninindigan. Kaunting oras na lamang, gigising na si Itay upang magtimpla ng kape at mag jogging sa kanto. Malapit na ring gumising si Inay upang magluto ng agahan.

Naalala ko bigla yung ex ko nung kolehiyo. Naalala ko ang landi ng kaniyang tinig na tila yumayapos sa akin sa tuwing inuumaga na kami sa pagtetelebabad. Naalala ko ang takot na bumalot sa kaniyang mukha sa unang pagkakataong niyaya ko siyang makipagtalik sa akin. Umiyak siya pagkatapos; hindi dahil sa pagsisisi, ngunit dahil kapwa naming alam na iyon na rin ang huling pagkakataon.

Ilang beses ko ng sinubukang magsulat tungkol sa kaniya, sa aking mga magulang, at tungkol sa mga kasamahan ko sa rebolusyon ngunit parati akong natitigilan. Hindi ako mahusay na kuwentista. Sa limang kuwentong ipinasa ko sa Liwayway, wala man lang natanggap. Dahil sa mga kabiguang ito, huminto ako sa pag-aaral ng Malikhaing Pagsusulat. Ngayon ko lang napagtanto na hindi pala pagkukuwento ang aking buhay; bagkus, ang buhay ay ang aking kuwento. Ito na rin siguro ang dahilan kung bakit maraming hindi nakauunawa sa akin – dahil hindi ko kayang ipahayag ang aking mga naiisip at nararamdaman. Kaya siguro ako nahumaling sa katahimikan ng madaling araw, dahil dito ko nakikita ang kagandahan ng katahimikan.

Panandaliang nakatigil mundo, at maya-maya’y mag-uumpisa na muli itong umikot. Iikot ito ng iikot, hanggang magunaw ang sangkalawakan.

Nararapat lamang siguro na sa ganitong oras ako mamamaalam sapagkat kahit papaano'y maaala ng hangin at ng mga puno na huminto ang mundo ng ako'y lumisan.

No comments: