3.29.2007

Hinihintay na Sandali

Bisperas ng pasko at hindi kaiba sa mga nakaraang araw ang ginagawa kong paghilata sa aking kama. Masugid lamang ang pagtitig ko sa kaaya-ayang kisame habang hinihintay ang pagdating ng pasko (tumititig rin ito pabalik). Konting panahon pa at marahil ay matutunaw na namin ang isa’t isa. Marahil, ako na lang ang natitirang gising sa bahay. Maaga pa kasi ang gising namin kinabukasan kung kaya’t natutulog na sila. Payapa ang gabi kasaliw ang malamig na hangin. Tanging paghinga lamang ng aking nakababatang kapatid ang nauulinigan ko sa magdamag na iyon. Gayunpaman, hindi pumasok sa aking isipan ang humimlay na rin at magpahinga. Mabilis ang pagkabig ng aking puso. Hindi na ako makapaghintay. Hinga. Konting tiis pa. Tutuparin niya ang kaniyang pangako. Pinagmasdan kong magmuli ang kisame. Gaano pa ba katagal?

Mahal kita. Iyan ang dalawang salitang hindi masambit-sambit ni Eli kay Jasmine magbuhat ng bumalik ang kaniyang ala-ala. Maging sa totoong buhay man o sa teleserye, masasabi kong napakahirap ngang banggitin ng mga salitang ito. Hindi tulad ng banyaga nitong katumbas na ‘I love you’ na walang kaso kahit na pagsabihan mo ang kung sino mang kaibigan mo sa tabi-tabi. Bilang mga Pilipino, mas ramdam natin ang ‘mahal kita’. Corny mang maituturing, madali nitong natutunaw ang puso ninuman. Mulat ang aking mga mata habang inaalala ang mga pangyayaring ito sa palabas kanina. Papalit-palit ang mga imahe ng teleseryeng nakikita ko sa kisame. Palagi na lamang masaya ang katapusan ng mga teleserye. Palaging nagtatagumpay ang matamis na ‘mahal kita’. Magkahalong irita at inggit ang dulot ng mga ito sa akin.

Hinga. Hindi ko dapat iniisip ang mga bagay na ito. Katulad ng maitim na kisameng aking pinagmamasdan, tila ba nilalamon na rin ako ng kadiliman. Gising. Kailangan ko pang maghintay. Kaunting oras na lamang marahil paparating na rin ito. Maraming bagay pa ang mas mahalagang pagtuunan ng pansin. Tulad na lamang ng kakarampot na putaheng inihain ng aming ina sa aming hapagkainan.

Mahal kita. May kaakibat na pagmamahal ang bawat putaheng inihahain ng aking ina, gaano man kaunti o karami. Sa panahon ngayon, kailangan na raw umiwas sa mga gastos na hindi naman kinakailangan. Pangaral ito ng aking ina. Kung kaya’t noong noche buena ay hindi ko na kinuwestiyon ang malaking pagkakaiba ng handa namin ngayon kumpara noong nakaraang taon. Hindi pa rin naman nagbago ang sarap ng mga inihaing pagkain. Buhay pa rin ang pagmamahal at pag-aaruga ng aking ina sa kaniyang mga niluto. Ang bawat kagat ay may linamnam at tamis ng pagmamahal. Nginitian ko ang aking ina. Isang paraan ng pagsabi ng ‘di ko masambit-sambit na mahal kita.

Hinga. Mula sa kuwartong aking kinahihimlayan, nalalasahan ko pa ang pagkain mula sa amoy na dala ng hangin. Naibsan kahit papaano ang mabilis na pintig ng aking puso. Habang nasasaklob ako ng madilim na paligid, lihim akong napaisip. Pilit kong tinititigan ang kisame kahit na ang tanging nakikita ko lamang ay ang walang kamatayang kadiliman. Papaanong ang isang tulad ko makapagsasambit ng mga salitang pilit kong ibinabaon? Katulad ng aking ina, marahil may paraan rin upang masabi ko ito kahit hindi tahasan. Nagsimula na naman ang pagkabog ng aking dibdib. Palapit na ang hinihintay kong oras. Ilang segundo na lang. Tatlo, Dalawa…

Tutut. Nabulabog ang aking pagninilay-nilay sa hinihintay kong pagnginig ng aking selepono. Ibinaling ko ang aking buong atensyon sa ilaw na nagmumula rito. Nabasag na ang kadiliman. Iniwan ko na ang kanina ko pang tinititigang kisame. Kinuha ko ang selepono mula sa ilalim ng aking unan at mahigpit itong hinawakan patungo sa aking dibdib na parang nagdarasal. Kumabog ng mas malakas ang aking puso. Tila ba nararamdaman ko ang pagdaloy ng aking dugo mula rito patungo sa mga daliring mahigpit na humahawak sa selepono.

Hinga. Hindi ko na mapigilan ang aking nadarama. Umaasa ako na tulad ng madilim na kisameng ngayo’y nabigyang liwanag na, mabibigyang linaw ko rin ang lahat sa pagitan naming dalawa. Ako at siya. Maraming mga pangyayari ang kahapon ang kinailangang maglaho kasama ng panahon. At sa pagdating ng bukas, lalong lumalaki ang guwang sa aming pagitan. Magkaganoon man, mariin kong hinawakan ang bagay na siyang tanging nagbubuklod sa amin sa kabila ng malawak na espasyo ng aming mga mundo. Marahan kong inalam kung sino ang pinakaunang bumati sa akin. Binasa ko ito ng mabuti bago sagutin ng parehong mensahe ang kaniyang pagbati. Sa munti kong paraan, katulad ng aking ina, marahil ay naiparating ko ang aking nadarama. “Maligayang pasko.”

Mahal kita. Lihim akong napangiti. Mabilis pa rin ang kabig na aking nararamdaman ngunit nakagagaan ito ng pakiramdam. Ipinikit ko na ang aking mga mata. Tuluyan na nga akong nakatulog. At ang sumunod ay walang hanggang ligaya.

No comments: