3.27.2007

Nanay, Mahal Kita!

Araw o Gabi, tuloy-tuloy lang ang sipag na pinapakita ni Jose sa kaniyang trabaho bilang manager ng isang sikat na kainan. Oo masasabi ng iba na isa siyang tipikal na taong matiyagang nagsisikap sa kaniyang trabaho upang mabigyang ng magandang kinabukasan ang kaniyang pamilya. Pero ang hindi alam ng nakararami, maliban sa todong pagtrabaho niya sa kaniyang gawain pangbuhay, may malungkot at masakit na nakaraan ang dinadamdam nito hanggang sa mga araw na iyon. Ito ang maagang pagkamatay ng kaniyang mahal na mahal na asawa na si Jane. Dahil sa kaganapang ito, siya’y tumayo bilang tatay at ina sa kanilang mga anak.

Maaga pa lamang sa kanilang samahan bilang mag-asawa, nagkaroon ng malubhang sakit na kanser ang asawa nitong si Jane. Ang delikadong sakit nitong kanser sa dibdib ay hindi na niya naagapan sapagkat nang ito’y madiskubre ng mga espesyalista, nasa pa-ngatlong baitang na ito.

“Naiiyak ako kasi wala akong magawa, wala akong magawa para sana tuluyang mawala ang sakit mo na iyan!” emosyonal na inihayag ni Jose sa kaniya. “Huwag ka nang mag-alala masyado. Sa tingin ko nagkaroon ako ng ganitong sakit dahil kagustuhan ito ng Diyos,” matatag naman na sagot ng asawa.

Ito ang isang bagay na makikitang kaka-iba sa personalidad ni Jane. Noong panahon na nalaman niyang mayroon siyang kanser, hindi man lamang ito nagsisi o nagalit ng todo sa Panginoon. Bunga ito ng kaniyang pagkakaroon ng pananampalatayang pagiging malapit at malakas sa Diyos. Ngunit hindi kaagad sumuko sa laban si Jane sapagkat dahil sa pagrekomenda ng mga doktor niya na karapat itong magpakemo therapy, sinunod niya ito ng buong loob.

Tuluyang nalungkot ang lima nilang anak na sina Mark, Ana, Nicole, Miguelito at Leslie. Pagiging panganay sa limang magkakapatid, sinubukan ni Mark na alagaan ng todo ang kaniyang mga kapwa kapatid habang ang kanilang ina’y nasa ospital at nagpa-

pagamot. Ngunit hindi talaga naging madali ang problemang ito sapagkat ang bunsong anak na si Leslie na kilalang malapit sa ina’y umiiyak araw araw. Sinubukan itong kausapin ng iba nitong mga kapatid para tumigil na ito sana sa kakaiyak. Ngunit sa kasamaang palad, wala ni isa rito sa kanila ang nakapagpigil dito. Mabuti na lamang, napansin ni Jose ang kalungkutan nadarama ng bunsong anak na babae. Isang araw, habang naglalaro ang bunsong anak, minabuti na nitong hilain ito at kausapin.

“Leslie, bakit ka ba laging umiiyak?” tanong ng tatay.

“Eh kasi po, nalulungkot ako ng sobra sa sakit na mayroon ang nanay. Alam ko kasi may possibilidad na mamatay ito,” sagot ng anak. Dahil sa nalamang impormasyon, sinu-bukan ng ama na ipaliwanag dito ang tunay na kalagayan ng asawa.

“Hindi mo ba alam na kaya’t nasa ospital ang nanay ay para magamot ang sakit na dinadanas nito,” paliwanag ng ama. “Sabi nga ng mga doktor niya, hindi dapat tayo mawalan ng pag-asa sapagkat kailangan ni nanay ang ating buong suporta,” dagdag pa ng ama.

“Hindi po ba dahil sa kaukulang sitwasyon ng nanay, malaki ang possibilidad na hindi gumana ang therapy na tinatanggap nito,” tugon ni Leslie.

Base sa inihayag ng bata masasabi nating isa itong matalinong babaeng bunso. Pero tama lamang ito sapagkat kilala si Leslie bilang isa sa mga pinaka matalino sa eskwelahan na pinapasukan nito.

“Oh sige, aaminin ko nang nasa malubhang sitwasyon na nga ang kanser ni nanay ngunit dapat pa rin tayong magpatuloy na magdasal upang sana’y gumaling na siya,” punto naman ni Jose. Dahil sa sinabi, umiiyak na naman ang bata. Hindi nito matanggap ang possibilidad na mamatay na ang kaniyang mahal na ina.

“Sinasabi ko na nga po eh, mamatay rin ang ina!!!” malungkot na hayag ng bunso.

“Huwag, huwag sana ganyan ang maging pag-iisip mo Leslie. Sana’y maging matatag ka kahit papaano. Naiintindihan ko na mahina ka sa mga problemang ganito dahil bata ka pa lamang. Pero sana magpatuloy pa rin ang pagdasal mo kay nanay upang gumaling na ito,” pahayag ni Jose.

Makalipas ng ilang segundo, niyakap ni Jose ang pinaka bunsong anak na babae. Patuloy pa rin itong umiiyak habang hinalikan ng ama sa noo.

Mabuti na lamang, maliban lamang kay Leslie, ang lahat ng iba nilang anak ay tanggap ang sakit na mayroon ang ina. Si Ana ay laging dumadaan sa simbahan upang ipagdasal ang ina kahit man gabihin na itong matapos mula sa eskwela. Sina Nicole at Miguelito naman ay nagsusulat sa ina ng mga mensahe upang gumaling na ito kaagad at makasama na nila ito muli.

Mahigit apat na buwan din ang panggagamot na nakuha ng ina para malunasan na ang sakit na dinadala. Sa tatlong beses nitong pagpunta sa ospital bawat buwan, tatlong beses din na sumama si Jose para alalayan at samahan ang asawa niya. Walang ni-isang panahon na nagreklamo ito at dahil dito makikita natin ang taos pusong pagmamahal na mayroon siya rito.

“Kaya mo yan Jane, pinagdadasal ka namin ng mga anak mo. Pati ang mga kapamilya natin ay naghayag ng kanilang suporta sa iyong nakukuhang panggagamot,” emosyonal na sinabi ng asawa. Dahil sa dami ng ‘kemo therapy’ na pinagdadaanan nito, natural lamang na dahan-dahang maubos ang pera ng mag-asawa. Ngunit hindi naapektuhan si Jose sa pagka-ubos ng kanilang pera para lamang mapagamot ito. Sa katunayan, humingi pa ito ng tulong mula sa mga kapamilya at malalapit na kaibigan nila upang matulungan sila na bayaran ang mga gastusin nila sa ospital.

Ngunit sa pangalawang linggo ng buwan ng Hulyo, bigla na lamang tumawag ang doktor ni Jane kay Jose upang sana maka-usap ito sa kanilang opisina sa Ospital. Sa pagka-alam dito, pumunta at nakipagkita sa sumunod na araw si Jose sa mga doktor sa ospital. Matatag itong pumunta at humarap sa kanila.

“Magandang umaga Jose! Mabuti nakapunta ka kaagad,” sabi ng isa sa mga doktor. “Aba opo, kahit anong bagay na konektado sa kalusugan ng asawa ko’y importante para sa akin,” sagot naman ni Jose

“Hindi na kami magpapa liguy-ligoy pa,” ani ng doktor, “Ang rason kung kaya’t pinapunta ka namin dito’y nais naming sabihin ang resulta ng apat na buwang panggaga-mot sa inyong asawa.”

“Ganun ba, mabuti naman pala. So ano po ang naging resulta?” tanong ni Jose.

“Gumana po ba ang mga panggagamot na ibinigay ninyo sa kaniya?” dagdag na tanong pa nito.

Biglang naging malungkot ang tono ng boses ng isa sa 3 doktor na umaasikaso sa sitwasyon ng asawa. Sa katotohanan, maari mo nang maisip na habang kausap ni Jose ang doktor na ito’y hindi na maganda ang balitang dala niya.

“Gusto ko pong malaman ninyo ngayon pa lamang na, wala o hindi, hindi naging matagumpay ang panggagamot na ibinigay namin sa inyong asawa!” marangal na sinabi ng doktor. Bigla na lamang napaiyak si Jose sa narinig na napakalungkot na balita. Kitang-kita sa kaniyang mga mata ang bakas ng pagkagulat at todong pagkalungkot.

“Dok… wala na po ba kayong pwedeng magawa para sa sakit niya?” tanong ni Jose.

“Malungkot ho naming sasabihin na wala naman po… Ang therapy na dinaanan ng inyong asawa ang tanging paraan upang magamot ang sakit niyang kanser,” tugon ng doktor. Natulala ng matagal si Jose habang malalim na iniisip ang magiging reaksiyon ng kaniyang limang mga anak kapag malaman ang masamang balita na ito. Napunta ang usapan sa taning ng buhay ni Jane. Nagpumilit si Jose na alamin ang natitirang araw pa ng kaniyang asawa mula sa mga doktor.

“Sabihin ninyo sa akin, ano ang taning ng buhay ng aking asawa?” mausisang tanong ni Jose. “Siguro po mga 1 o hanggang 2 buwan na lamang ang natitirang araw ng misis niyo po,” sagot ng mga doktor.

Makatapos ang ilang minuto sa pag-uusap nila, minabuti na lamang ni Jose na umuwi at ipagtapat ang balitang ito sa kaniyang limang mga anak. Pagdating sa bahay, napansin kaagad ni Mark ang kalungkutang dala ng kaniyang ama.

“Itay, ano pong sabi ng mga doktor? Kamusta po raw ang nanay?” isa-isang tanong ni Mark. Humarap ang kaniyang ama at sinabing papuntahin ang lahat sa may sala upang sila lahat ay makapag-usap. Sa ilang segundo lamang, ang limang magkakapatid ay naka-upo na sa may sala at mahinahong hinintay ang nais ibalita ng ama.

Kinausap ng masinsinan ng ama ang kaniyang mga anak. Kitang-kita sa ama ang pagiging matapat ngunit bakas ang kalungkutan sa mukha nito.

“Mga anak, huwag kayong magbibigla pero nais kong sabihin ang sinabi ng mga doktor sa akin tungkol sa inyong ina. Hindi raw naging matagumpay ang panggagamot na nakuha nito,” paliwanag ng ama. Nagsi-iyakan na ang lahat ng magkakapatid, yakap ni Ina si Leslie habang umiiyak si Miguelito kasama ang kaniyang ate na si Nicole. Tula-lang tulala naman si Mark na hindi makapaniwala sa narinig na balita. Sinubukang pakal-mahin ng ama ang mga nag-iiyakang mga anak.

“Mga anak, sige ilabas niyo lamang ang inyong sama ng loob. Huwag kayong mag-alala sama-sama tayo sa matinding pagsubok na ito!” sabi ni Jose.

Sa sumunod na mga araw, bumalik na sa bahay ang kanilang ina na si Jane at mismong siya ay alam na ang kinalabasan ng kaniyang paggagamot. Hindi man lang nalungkot ito dahil sa taning ng buhay niya ngunit nalungkot ito dahil iiwan na niya ang limang mga anghel niya sa buhay, pati ang asawa niya. Sa bawat araw na nakakasama niya ang bawat isa sa kaniyang mga anak, palagi niyang pinapaalala dito na alagaan ang iba nitong mga kapatid at laging sumunod sa kanilang ama. Ang huling mga araw ni Jane ay naging makabuluhan sapagkat magkasama ng madalas ang buong pamilya nila.

Pagdating ng buwan ng Setyembre, labas pasok na si Jane sa ospital at dito’y kuma-lat na ng todo ang kaniyang sakit na kanser sa dibdib. Sa huling linggo ng buwang ito, sumakabilang-buhay si Jane. Mapayapa siyang namatay sa kwarto nito sa ospital kasama at katabi ang kaniyang mga minamahal na anak at ang matatag nitong asawa na si Jose.

No comments: