3.29.2007

Mata sa Mata

Tila mga pira-pirasong bubog ang nakakalat sa kalawakan ang mga bituin habang nilalamon ng kadiliman ang mausok na kalangitan ng Maynila. Kaytagal na pinagmasdan ni Utoy ang monumento ni Gat Jose Rizal habang nagtitimpla ng kape na order ng kostumer ng karinderya.

“Iho, baka matunaw ang estatwa, huwag mo masyadong titigan”, ang palabirong utos ng kaniyang Tiyo Paeng. Sa totoo lang, naiirita na ang tiyuhin ng binata sa tuwing nahuhuli niya itong nakatitig sa monumento. Ngunit di niya magawang mapagalitan ang bata dahil ito na lamang ang katuwang niya sa pagpapatakbo ng kapihan sa Luneta.

“Baka pag pagalitan ko’y magrebelde at magpalaboy-laboy pa sa daan”, minsang pabirong sinabi ni Paeng sa mga kostumer na nagtatanong kung bakit parating nakatingin si Tolits sa monumento.

“Hayaan mo na Paeng, masarap naman magtimpla ng kape, eh! He-he-he”, ang patawang sagot ng mga lasinggerong umiinom ng kape upang malunasan ang kanilang hang-over.

Limang taong gulang pa lamang si Utoy ng masawi ang kanyang ina, samantalng wala siyang kinalakihang ama. Matapos noo’y kinupkop na siya ng kaniyang Tiyo Paeng, ang nag-iisang kapatid ng kaniyang Nanay. Magmula ng siya’y tumulong sa pagtitinda sa kapihan ni Paeng sa Luneta, hindi lumipas ang isang araw na hindi siya nalunod sa katitingin sa mapanghalinang monumento.

Nang unang nakita ni Utoy ang estatwa, agad siyang nahalina dito. Ngunit sa kabila nito, hindi pa rin nya lubos maunawaan ang dahilan ng kaniyang pagkahalina at di masagot-sagot ng ilang oras na pagtitig dito ang katanungang matagal na bumabalot sa kaniyang isipan – kung ano nga ba ang kinakatawan ng rebultong ito.

Sa paglipas ng mga araw, kinokonsumo na siya ng tila kahibangan na dala ng rebultong ito.

“Utoy, kung ipipilit mong malaman ang dahilan kung bakit nandiyan si Rizal, sana tinanong mo na rin ang dahilan kung bakit ang ulo niya ay nasa piso at posporo. Sige, ipagpatuloy mo lang iyan at magagaya ka na sa mga ulol nating mga kostumer”.

Patuloy lamang sa pagsasalita ang kaniyang tiyuhin ngunit tila ang bawat salita’y lumalabas sa kabila niyang tainga.

“Masyado lang po akong nahihiwagaan. Sabi po sa akin ni Inay nang kami’y unang pumasyal dito sa Luneta, ‘Nasa mata ni Gat Jose Rizal ang kasagutan ng lahat ng iyong katanungan’”, pahayag ni Utoy.

“Utoy, alam mo namang iyang Inay mo ay tulad ni Madonna at ang iyong ama naman, tulad niyang si Bruno”, sagot ng kaniyang tiyuhin sabay turo sa kanilang mga regular costumers.

Gaya ng kaniyang pagtataka sa kahiwagaan ng rebulto, nananalaytay din sa kaniyang pag-iisip ang mga katanungan ukol sa mga kuwento ng buhay at pagkatao ng mga taong tinitimplahan niya ng kape sa tuwing magtatakipsilim.

Nandiyan si “Lady Madonna”, ang walang dudang reyna ng tsismis, at napabalitang “napapasubo” sa mga matatandang turistang foreigner; nandiyan rin si Bruno, ang manlalasing ng Luneta; si Eleanor, ang dalagang namamalimos na pinagkakakitaan ng mga sindikato; at marami pang mga taong may mga kakaibang personalidad.

Sumagi sa isip niya ang katanungan kung ano ba ang iniisip ng mga ito sa tuwing titingin sila sa rebulto, magin ang iniisip ng kaniyang tiyuhin.

Ngunit napuno na rin si Utoy.

“Kailangan ko nang malaman kung ano ang iniisip nila”, ang mapagpasyang sambit ni Utoy kasabay ng kaniyang pagbuntong hininga.

Alas onse na ng gabi ng napagpasyahan niyang itanong na ang mga katanungang bumabagabag sa kaniya.

“Utoy, tatlong kape nga, isang walang creamer”, utos ng kaniyang tiyuhin.

Hinulaan ni Utoy kung sino ang mga kostumer, at tamang tama ang kaniyang hula na sila Madonna, Bruno, at Eleanor ang nasa tindahan.

Ayos, swak na swak, sabi niya sa kaniyang sarili.

Ibinaba ni Utoy sa lamesa ang mga mainit na tasa at umupo sa bakanteng bangko.

“May nais lang po sana akong tanungin, kung papayag kayo”, pahayag niya sa mga kostumer na nagkakape.

Aba syempre naman hijo, sa sarap ba naman ng kapeng itinimpla mo eh, di ko matitiis sagutin ang mga itatanong mo”, tugon ni Madonna, sabay hagod ng foundation sa mukha. Tumango si Bruno at Eleanor sa pagsang-ayon.

“Matagal na po akong napagkakamalang sira-ulo dahil gusto kong malaman ang tunay na dahilan ng pagkakatayo ng rebulto ni Rizal diyan at kung ano ba ang kinakatawan nito, pero nais ko lang po malaman ang kasagutan”, pahayag ni Utoy sa kaniyang mga kausap na para bang natapunan ng kape matapos marinig ang katanungan.

“Well you know boy...”

“Leche, tigilan mo nga yang pag-iingles mo!”, pasigaw na utos ni Bruno kay Madonna. “Kaya ka pinagtatawanan ng mga kostumer mong kano eh!”, sabay tawa pa ng lasing na lalaki.

“Inggit ka lang no, because you doesn’t know to spoke English!”, pasigaw na sagot ni Madonna. “Anyway, sa tuwing nakikita ko si Rizal, naaalala ko ang kaisa-isahang lalaking tunay kong minahal, si Pablo. Kaso iniwan niya ako dahil ipinagpatuloy niya ang pagsusundalo. Gusto niya daw pagsilbihan ang Pilipinas. Pagkatapos ng isang buwan sa bakbakan, napatay siya. Dapat ay pinakasalan niya na lang ako at sana kami pa ngayon ang nagbabakbakan! Ha-ha-ha!”, sagot ni Madonna.

“Ikaw talagang malandi ka, puro kabastusan tinuturo mo sa bata!”, pasigaw na sinabi ni Bruno.

“Sa totoo lang Utoy, iyang rebulto na iyan lamang ang dahilan kung bakit siuro’y buhay pa ko ngayon. Iyan na lang ang pinaguhugutan ko ng pag-asa. Nakakatuwa nga eh, patay na si Rizal, hanggang ngayo’y bayani pa rin siya para sa akin.”, pahayag ni Bruno na tila ba naiiyak.

Nagdesisyon si Eleanor na basagin ang katahimikan at banggitin ang kaniyang opinyon. “Kung ako naman ang tatanungin mo, tingin ko, iyang rebulto na iyan ang dahilan kung bakit palaboy ako ngayon. Maayos na sana ang buhay ko sa Masbate, ngunit naudyok ako ng mga kaibigan kong pumunta sa Maynila dahil nahalina sila sa pag-asang dala ng larawan ng estatwa ni Rizal”.

Narinig ni Paeng ang kuwentuhan ng apat, at hindi rin ito nakatiis at napasali na rin sa diskusyon.

“Para sa akin, si Rizal ang dahilan kung bakit tayo nandito ngayon. Kung hindi siya nagpakatarantado at pumayag mabaril sa Luneta, malamang di pa malaya ang bansa natin.”

“O ngayon Utoy, nasagot na ba ang mga katanungan mo?"

Hindi umimik si Utoy. Sa halip, pinagmasdan nya ang rebulto sa napakahabang panahon – mas mahaba pa sa panahong ginugugol niya araw-araw sa pagtitig dito.

Sa mga mata ng walang buhay na estatwa, nakita niya ang larawan ng isang lalaking iniwan ang babaeng mahal niya upang pagsilbihan ang bayan; larawan ng isang anghel na inililigtas ang isang kaluluwa mula sa kapahamakan; larawan ng isang demonyong inuudyok ang isang inosenteng kaluluwa; larawan ng kaniyang ina; at higit sa lahat, larawan ng isang Pilipinong limot na ang kabayanihan na patuloy na lamang nabubuhay sa pamamagitan ng isang rebultong sementong sumasalamin ng mga larawan ng pag-asa, pag-ibig, kasawaian, at buhay.

Maraming mga bagay na matagal na niyang tinatanong ay nasagot sa gabing iyon, ngunit sa pagdating ng bagong umaga, ang kahiwagaan at pagkahalina niya sa rebulto ay patuloy pa ring magiging isang bahagi na ng kaniyang pagkatao – tulad ng bawat pagbukang-liwayway na ito’y sumagi sa kaniyang kaisipan – tulad ng dati, tulad ng inaasahan.

No comments: