3.27.2007

Mga Paminsan-Minsan: Isang Pagbibigay-Pugay sa "Lohika ng mga Bula ng Sabon"

Habang hinahampas ng hangin
ang kabilugan ng buwan,
siya'y kumakatok sa aking bintana't
nag-aalok ng panandaliang himlayan
para sa aking kaluluwa
sa haligi ng kaniyang mga bisig.


Habang binubugbog ng usok
ang maaliwalas na kalangitan,
kaniyang winawasak ang aking pintua't
ako'y kaniyang itinutulak,
inihihiga sa kama't

hinuhubaran
ang kaluluwa.


Ginagahasa ang bawat ideya,
kinakadyot ang bawat salita
at makalipas ng kaunting panaho'y
inululuwal ko na ang bunga.


Paulit-ulit namin itong ginawa
hanggang sa ako'y mapagod
at halos magmukhang losyang na
ngunit himutok niya'y
“Sige pa, sige pa.”


Kaya ngayo'y kayrami na naming anak:

isa'y bulag,
isa'y kulang ang daliri sa kamay,
isa'y pipi't bingi,
isa'y ngongo.

Kayhaba pa ng listahan
ng mga iniluwal kong tulad nila:
disgrasya ang umpisa't
disgrasya rin ang kinalabasan.


Kailan ko matututunan ang mag-ingat?

Sa susunod, siya'y akin ng kakausapin
na sana'y ang bawat hagod ay marahan,
ang bawat halik ay malagkit,
ang bawat yapos ay madiin.


Ng sa gayo'y aking mailuwal
ang isang batang nakatakdang
yumanig sa mundo.


Ngayo'y ako'y muling naghihintay,
umaasa,
nananabik.

Sa pagdating ng tangi kong irog.

Si Sandali.
Aking talinghaga.
Ama ng aking bawat tula.

1 comment:

dramaQueen said...

salamat sa pagbabahagi nito. ang ganda. paborito ko rin ang lohika. nawala nga lang ang kopya ko.