3.29.2007

Hinihintay na Sandali

Bisperas ng pasko at hindi kaiba sa mga nakaraang araw ang ginagawa kong paghilata sa aking kama. Masugid lamang ang pagtitig ko sa kaaya-ayang kisame habang hinihintay ang pagdating ng pasko (tumititig rin ito pabalik). Konting panahon pa at marahil ay matutunaw na namin ang isa’t isa. Marahil, ako na lang ang natitirang gising sa bahay. Maaga pa kasi ang gising namin kinabukasan kung kaya’t natutulog na sila. Payapa ang gabi kasaliw ang malamig na hangin. Tanging paghinga lamang ng aking nakababatang kapatid ang nauulinigan ko sa magdamag na iyon. Gayunpaman, hindi pumasok sa aking isipan ang humimlay na rin at magpahinga. Mabilis ang pagkabig ng aking puso. Hindi na ako makapaghintay. Hinga. Konting tiis pa. Tutuparin niya ang kaniyang pangako. Pinagmasdan kong magmuli ang kisame. Gaano pa ba katagal?

Mahal kita. Iyan ang dalawang salitang hindi masambit-sambit ni Eli kay Jasmine magbuhat ng bumalik ang kaniyang ala-ala. Maging sa totoong buhay man o sa teleserye, masasabi kong napakahirap ngang banggitin ng mga salitang ito. Hindi tulad ng banyaga nitong katumbas na ‘I love you’ na walang kaso kahit na pagsabihan mo ang kung sino mang kaibigan mo sa tabi-tabi. Bilang mga Pilipino, mas ramdam natin ang ‘mahal kita’. Corny mang maituturing, madali nitong natutunaw ang puso ninuman. Mulat ang aking mga mata habang inaalala ang mga pangyayaring ito sa palabas kanina. Papalit-palit ang mga imahe ng teleseryeng nakikita ko sa kisame. Palagi na lamang masaya ang katapusan ng mga teleserye. Palaging nagtatagumpay ang matamis na ‘mahal kita’. Magkahalong irita at inggit ang dulot ng mga ito sa akin.

Hinga. Hindi ko dapat iniisip ang mga bagay na ito. Katulad ng maitim na kisameng aking pinagmamasdan, tila ba nilalamon na rin ako ng kadiliman. Gising. Kailangan ko pang maghintay. Kaunting oras na lamang marahil paparating na rin ito. Maraming bagay pa ang mas mahalagang pagtuunan ng pansin. Tulad na lamang ng kakarampot na putaheng inihain ng aming ina sa aming hapagkainan.

Mahal kita. May kaakibat na pagmamahal ang bawat putaheng inihahain ng aking ina, gaano man kaunti o karami. Sa panahon ngayon, kailangan na raw umiwas sa mga gastos na hindi naman kinakailangan. Pangaral ito ng aking ina. Kung kaya’t noong noche buena ay hindi ko na kinuwestiyon ang malaking pagkakaiba ng handa namin ngayon kumpara noong nakaraang taon. Hindi pa rin naman nagbago ang sarap ng mga inihaing pagkain. Buhay pa rin ang pagmamahal at pag-aaruga ng aking ina sa kaniyang mga niluto. Ang bawat kagat ay may linamnam at tamis ng pagmamahal. Nginitian ko ang aking ina. Isang paraan ng pagsabi ng ‘di ko masambit-sambit na mahal kita.

Hinga. Mula sa kuwartong aking kinahihimlayan, nalalasahan ko pa ang pagkain mula sa amoy na dala ng hangin. Naibsan kahit papaano ang mabilis na pintig ng aking puso. Habang nasasaklob ako ng madilim na paligid, lihim akong napaisip. Pilit kong tinititigan ang kisame kahit na ang tanging nakikita ko lamang ay ang walang kamatayang kadiliman. Papaanong ang isang tulad ko makapagsasambit ng mga salitang pilit kong ibinabaon? Katulad ng aking ina, marahil may paraan rin upang masabi ko ito kahit hindi tahasan. Nagsimula na naman ang pagkabog ng aking dibdib. Palapit na ang hinihintay kong oras. Ilang segundo na lang. Tatlo, Dalawa…

Tutut. Nabulabog ang aking pagninilay-nilay sa hinihintay kong pagnginig ng aking selepono. Ibinaling ko ang aking buong atensyon sa ilaw na nagmumula rito. Nabasag na ang kadiliman. Iniwan ko na ang kanina ko pang tinititigang kisame. Kinuha ko ang selepono mula sa ilalim ng aking unan at mahigpit itong hinawakan patungo sa aking dibdib na parang nagdarasal. Kumabog ng mas malakas ang aking puso. Tila ba nararamdaman ko ang pagdaloy ng aking dugo mula rito patungo sa mga daliring mahigpit na humahawak sa selepono.

Hinga. Hindi ko na mapigilan ang aking nadarama. Umaasa ako na tulad ng madilim na kisameng ngayo’y nabigyang liwanag na, mabibigyang linaw ko rin ang lahat sa pagitan naming dalawa. Ako at siya. Maraming mga pangyayari ang kahapon ang kinailangang maglaho kasama ng panahon. At sa pagdating ng bukas, lalong lumalaki ang guwang sa aming pagitan. Magkaganoon man, mariin kong hinawakan ang bagay na siyang tanging nagbubuklod sa amin sa kabila ng malawak na espasyo ng aming mga mundo. Marahan kong inalam kung sino ang pinakaunang bumati sa akin. Binasa ko ito ng mabuti bago sagutin ng parehong mensahe ang kaniyang pagbati. Sa munti kong paraan, katulad ng aking ina, marahil ay naiparating ko ang aking nadarama. “Maligayang pasko.”

Mahal kita. Lihim akong napangiti. Mabilis pa rin ang kabig na aking nararamdaman ngunit nakagagaan ito ng pakiramdam. Ipinikit ko na ang aking mga mata. Tuluyan na nga akong nakatulog. At ang sumunod ay walang hanggang ligaya.

Pasadlak na Talulot

“The body had apparently once lain in the attitude of an embrace, but now the long sleep that outlasts love, that conquers even the grimace of love, had cuckolded him.”

-William Faulkner, ‘A Rose for Emily’


Manatili ka
sa higpit ng aking yakap;
sa dantay ng aking haplos;
sa bulong ng aking pagkasi.

Humimlay ka
dito sa aking tabi
magpasawalanghanggan
at palagian mong damhin
ang dampi ng aking labi

hanggang sa tuluyan kang
maagnas
-- matupok
ng alab na dulot ko.

Unti-unting tatalupan ang
aking sutla, ang iyong katad.
hahandusay sa bisig
ng iyong kalamnan
at sasaklawin natin ang
isa’t-isa.


(Hindi na muli pang
malulumbay.)

Sumalungat tayo
Sa ugong ng panahon;
Hamakin ang hamon ng
Pagbabago’t pamantayan.

Ang Babae

Kilala ang isla ng Busan sa pagiging produktibo nito sa aspeto ng mga panghuhuli ng isda. Sa ayaw o sa gusto ng mga taong namumuhay rito, ang panghuhuli na nga ng iba’t ibang uri ng mga isda ang marahil na ka-isang trabaho nila sa buhay. Mula pa sa kanilang mga ninuno, namana na nila rito ang lahat ng mga pamamaraan upang mas makahuli ng masagana. Kaya’t para sa lolo ni Tony, ito na rin ang tanging trabahong ginagawa nilang lahat upang mabigyan ang mga pamilya nila ng angkop na buhay. Si Mang Tomas, lolo ni Tony, ay kilala bilang isa sa mga pinakamatanda sa buong isla. Dahil dito’y madalas sa kaniya lumalapit ang mga tao upang humingi ng mga payo ukol sa iba’t ibang mga bagay kasama na ang trabaho nilang pangingisda.

“Manong, ano po ba ang angkop na paraan ng pangingisda sa ngayon? Kasi po nahihirapan kami dahil madalas ay hindi maganda ang panahon sa ngayon eh,” pahayag ng isa sa mga mamayan doon.

Aba, sa tingin ko’y dapat maging matiyaga lang kayo sa panghuhuli. Kung ginagawa niyo ang mga dati pang pamamaraan ng panghuhuli, tiyak din kayong makakahuli ng marami,” ani ng matanda.

Ngunit kung titignan ng mabuti, ang personalidad ni Tony ay kakaiba sa kilalang pag-katao ng lolo nitong si Mang Tomas. Kung ang lolo nito’y iniisip ang mga bagay-bagay ukol sa kanilang mga hanapbuhay, si Tony naman ay nasa iba lang ang utak. Para sa kaniya, mas importante pa ang kasarapan ng buhay. Hindi niya gusto o hindi niya nais sundin ang lahat ng mga gawain ng mga tao sa islang iyon. Mula sa pagkabata nito tanging ang pagtulog at paglibang lamang ang mga bagay na ginagalawan ng mundo niya. Kung ang mga kapwa niyang bata’y sumasama sa mga nakatatanda upang mangisda, siya naman ay naiiwan lang sa kanilang bahay upang magpahinga o maglaro.

Tumira na si Tony mula pagkabata pa lamang sa kaniyang lolo sapagkat iniwan siya ng kaniyang mga magulang noon. Maraming mga nagsasabi na isang di-inaasahang anak si Tony ng mabuntis ng kaniyang ama ang kinakasama nitong babae. Gusto pa raw sana ipalaglag ng babae ang anak ngunit kinausap ito ng matandang si Tomas upang siya na lang ang mag-alaga rito.

Si Tony ay madalas na nagpupunta sa may baybay-dagat upang maglakad at magpalamig sa tubig dala ng mga alon. Pero isang araw, habang nilalakbay nito ang tabing dagat ay may narinig itong boses na tumatawag dito.

“Saklolo! Saklolo! Mabuting bata tulungan mo ako. Nandito ako sa may tubigan lang,” sabi ng isang isang babae. Dahil sa narinig napatingin si Tony sa may tubigan ng dagat. Sa pagkalubog na ng araw, hindi na masyadong malinaw ang mga nakikita niya sa oras na iyon. Mabuti na lamang at ang babaeng ito’y naisip na batuhin ang naglalakad na si Tony. Biglang napansin ng lalaki ang nakahigang babae sa may mababaw na parte ng dagat.

“Ikaw? Anong ginagawa mo diyan? Hindi ka ba maka-ahon diyan?” tanong ni Tony sa nakitang babae.

“Paumanhin, patulong naman. Hindi ako maka-ahon sapagkat may malaki akong sugat sa aking mga binti,” sagot ng babae.

Sa pagtulong ni Tony sa babaeng iyon, napansin niya kaagad ang mga naglalakihang sugat ng babae sa may binti nito. Tinignan niya ito ng mas mabuti at nakita niyang ang babae ay may tama ng bala sa parte ng binti nito.

“HA…….. Ano ang nangyari sa iyo? Napaano ka? Bakit mayroon kang sugat mula sa pagkabaril?” takot na tinanong ni Tony dito. Sa ilang segundo ay bigla na lamang nahi-matay ang babae sa may harap niya. Dali-dali naming kinarga ito ni Tony at dinala sa kanilang kabahayan. Mabuti na lamang at sa oras na iyon, nandoon sa kanilang lugar si Mang Tomas. Diniretso ni Tony ang kargang babae sa may banig sa tabi ng pintuan ng bahay nila.

Nagtaka ang matanda sa nakitang babae sapagkat patuloy ang daloy ng dugo nito mula sa mga sugat na tinamo niya. Matindi ang iyak at kaba ng bata habang tinitignan ito ng kaniyang lolo. Humingi ng tulong si Tony mula sa kaniyang lolo, upang tulungan sana siyang itigil ang dugo na galing sa mga sugat ng babae.

“Lolo… Tulungan niyo po ako sa kaniya? Parang awa niyo na, tanggalin natin ang balang natamo niya at linisin natin ang kaniyang mga sugat,” paki-usap ng bata.

“Sige iho, kumuha ka ng alkohol, koton, band-aid diyan sa gabinete habang tatawagin ko lang and doktor natin dito sa isla,” sagot naman ng matanda. Tumayo ng mabilis ang bata at kinuha ang lahat ng mga bagay na kinailangan nila. Samantalang ang matanda naman ay pinahanap ang doktor sa kanilang lugar, si Dok Martin. Makalipas pa ang ilang minuto’y nagkita muli ang matanda dala ang doktor at apo sa may kabahayan nila.

“Doktor, parang awa niyo na, iligtas natin siya mula sa kapahamakan!” pahayag ni Tony dito.

“Gagawin ko ang lahat ng aking makakaya upang mailigtas siya,” sagot naman ng doktor.

Sa lalim ng balang tinamo ng babae, nagdesisyon ang doktor na kailangan niya itong operahan sa mismong oras na iyon kung hindi mamatay na ito. Bumalik ang doktor sa may klinika niya at kumuha ng mga gamit para magawa ang prosesong ito. Patuloy pa rin naman ang pag-aasikaso ni Tony dito. Sinusubukan niyang pakiramdaman ang pulso ng babae at tignan kung may malay pa ito.

Makalipas ang dalawampung minuto, bumalik din ang doktor upang operahan at tang-galin na ang bala sa may binti ng babae.

“Tony, maari bang tulungan mo ako sa pag-opera ko? Ang kailangan mo lang gawin ay sundin ang mga bagay na sasabihin ko, huwag ka na sanang umiyak,” paliwanag ng doktor.

“Sige po, sabihin niyo lang po ang aking gagawin,” sagot ng binata. Ang matandang si Tomas naman ay matahimik na nakatayo sa tabi nila habang ginagawa ng doktor ang pag-opera. Kitang-kita sa mata ng lahat ang matinding pagkakaba sa oras na iyon. Ha-bang inooperahan ang babae, patuloy lamang ang paglabas ng dugo mula sa mga sugat niya. Dahil dito’y halatang matamlay na ng todo ang babae. Ang atensiyon ni Tony ay nasa pag-oopera lamang ng doktor sapagkat siya ang may hawak ng mga gamit sa prosesong isinasagawa.

Lumipas ang mahigit isa’t kalahating oras at natapos na rin ang pag-opera ng doktor. Tumigil na rin ang pandudugo ng mga sugat sa binti ng babae. Tinatahi na lamang ang sugat na nakuha nito mula sa pagtama ng bala. Sa wakas, naging mahinahon na rin ang pakiramdam ng lahat dahil malinaw na naging matagumpay ang doktor sa pag-opera sa babae. Si Tony naman ay nakahinga na rin ng malalim sa nakitang resulta.

“Iho, saan mo ba nakita o napulot ang babaeng ito? Nakakagulat naman ang bigla mong pagdala sa kaniya rito kanina,” sabi ni Mang Tomas.

“Eh nakita ko siya sa may baybay-dagat, nakalatag lamang po ito doon. Mismong ako po’y nagulat sa aking nakita dahil duguan na siya sa mga oras na iyon,” paliwanag naman ni Tony sa matanda.

Kinausap naman ng doktor ang matanda at ang apo nito. Sinabihan niya ang pareho na hayaan na munang magpahinga ang babae. Medyo matatagalan pa raw ito bago magising o kanilang maka-usap. Maliban dito, sinabi rin ng doktor na baka may possibilidad na hindi na ito makalakad pa dahil sa natamong balas a binti. Pero pinaalala-hanan pa rin niya sila na maging positibo ang pag-iisip sa bagay na ito.

“Maraming salamat Dok! Hindi ko na siguro alam ang mangyayari sa babaeng ito kung hindi niyo siya kaagad inoperahan,” pahayag ni Tony.

“Walang anuman, alam mo namang ito ang aking linya sa buhay kaya’t karapat lamang na gamutin ko siya,” sagot ng doktor.

Inihatid na muna ng matanda ang doktor pabalik sa kabahayan nito habang si Tony naman ay nag-ayos ng mga gamit sa kanilang bahay. Pagbalik ni Mang Tomas, tinawag niya kaagad ang apo upang mag-usap silang dalawa.

“Tony, pinahanga mo ako sa ginawa mo, kung hindi dahil sa ‘yo, sa palagay ko’y patay o wala nang buhay ang babae na ito,” puri ng matanda.

“Oh nga po, masaya ako sa aking nagawa, kahit papaano’y may nagawa ako sa kaniya upang sagipin ang kaniyang buhay,” tugon naman ni Tony.

Dumaan ang mahigit dalawa’t kalahating araw, sa wakas nagising na rin ang babae at nagkaroon na rin ito ng malay. Mabuti na lamang nasa bahay si Tony nang maganap ang kaganapang ito.

“Sino ka? Nasaan ako? Ano itong mga plaster na nasa binti ko?” tanong ng babae.

“Huwag kang mag-alala, nasa mabuting kang kamay. Ako nga pala si Tony, yaong lalaking nakita mo sa may baybay-dagat. Mabuti nakita kita kaagad dahil kung hindi, sa palagay ko’y baka tuluyan ka nang namatay doon,” sagot ng binata “Ano nga pala ang pangalan mo,” tanong ni Tony.

“Ako nga pala si Jennifer,” tugon ng babae.

Ngunit dahil sa mga nangyari, hindi napigil ni Tony na magtanong kung saan natamo ng babae ang mga sugat niya. Mula pa nga sa pagkakita niya rito, nabagabag na siya kung ano ang kadahilanan ng pagtamo ng iba’t ibang mga sugat sa binti ng babae.

“Ano bang nangyari sa ‘yo? Saan mo nakuha ang mga sugat mo? Sino ang bumaril sa iyo?” mausisang tinanong ng binata rito.

“Isa akong aktibista laban sa gobyerno natin sa may kalapit na Isla. Noong huling buwan pa lamang, may mga natatanggap na akong mga sulat ukol sa aking buhay. Mga sulat na ang laman ay ukol sa planong pagpapatay nila akin. Sa kasamaang palad, noong nakaraang gabi lamang, pinasok nila ang aking bahay at dinakip nila ako. Dinala nila ako sa may isang kabahayan at doon ay pinahirapan nila ako. Nilapastangan nila ang aking pagkababae sapagkat ako’y ginahasa nila. Inabuso nila ako ng parang isang taong walang dignidad,” paliwanag ni Jennifer. Bigla na lamang umiiyak ang babae sa pagkuwento kay Tony. Niyakap ng binata ang babae at pinunasan nito ang luhang dumadaloy sa mukha niya.

“Pagkatapos, para siguradong mamatay ako, binuhat at tinapon nila ako sa gitna ng dagat. Maliban dito’y binaril pa nila ako! Mabuti na lamang ang aking binti ang tinamaan ng bala nila,” dagdag pa ni Jennifer.

Sa hapon ng araw na iyon, naka-usap naman ni Mang Tomas si Jennifer at nalaman na rin niya ang kadahilanan ng lahat ng nangyari sa babae. Dahil sa sobrang pagkaawa, hindi rin na kayanan ng matanda ang napag-usapan kaya’t napaiyak din ito.

“Mga walang puso ang mga taong dumakip, gumahasa at sumubok na pumatay sa iyo!” pahayag ng matanda.

Lumipas ang mahigit isang buwan bago nakabalik ang babae sa kaniyang normal na buhay. Sa awa ng Diyos, ito’y nakalakad pa rin pero kinailangan ng rehabilitasyon kaya’t tinulungan ito ni Tony at ng doktor. Mula sa araw na ito, kitang-kita sa mga ngiti ng ba-bae ang saya sa muling paglalakad at pagbalik ng kaniyang buhay.

“Jennifer, ano ang balak mo? Babalik ka pa ba sa iyong lugar o sa iyong dating

buhay?” tanong ng matanda rito.

“Sa tindi ng dinaanan ko sa aking dating buhay, mas gugustuhin ko pa pong manira-han sa isla na ito. Parang ninanais kong magsimula muli ng aking buhay dito. Pero ang problema lang po’y hindi ko po alam kung paano ko gagawin iyon,” sagot ng babae.

Aba kung prinoproblema mo kung saan ka maninirahan dito’y bukas ang mga pinto ng aking bahay upang ikaw ay tumira rito,” mungkahi ng matanda.

Bigla na lamang sumaya ang mukha ng babae. Pati si Tony ay nagalak sa narinig na balita sapagkat magkakaroon siya ng bagong kaibigan o kakasama roon. Kung titignan, parang tinuring kapamilya na nila si Jennifer.

Hindi na muling bumalik ang babae sa kaniyang dating buhay o sa kaniyang dating lugar. Mas pinili pa niyang manirahan kina Mang Tomas at Tony sapagkat dito’y ligtas siya mula sa mga nais na pumatay sa kaniya. Sa katapusan, nag-iba ng identidad si Jennifer dahil nagbagong buhay ito at lumipat na ng tirahan. Sanhi ng mga nangyaring masasamang nakaraan dito, pinili niya itong bagong buhay upang bumangon mula sa lahat ng masasamang bagay na dumaan sa buhay niya.

Kasama nina Mang Tomas at Tony, nakakuha ng opportunidad si Jennifer na mani-rahan ng matahimik at mapayapa muli.

Ang Prinsipe at si Maria

Oh sa gabing ito ang Mahal na Prinsipe’y nagbisita
Sa minamahal nitong babaeng may ngalang Maria
Dala ang mga rosas na pinitas mula pa sa gubat kanina
Masaya itong kumatok sa pintuan ng bahay ng kababaihan
Upang mabigay ang dalang mga sorpresa sa kaniya

Hindi madali para kay Maria na payagang bumisita
ang prinsipe sapagkat labag ito sa kanilang tradisyon
Na isang regular na babae ang umakit sa puso nito
Kailangang kapwa galing sa royal na pamilya
Ang kababaihang nais ligawan o mapangasawa ng prinsipe

Pagkapasok sa bahay, nagtungo ang dalawa sa may hardin
Dito’y makikita natin na ang isa’t isa’y may pagtingin
Para sa prinsipe lahat ng kailangang magawa kaniyang gagawin
Maabot lamang ang pagmamahal na kanilang gugustuhin
paglalaban niya sa kaniyang magulang para sila’y intindihin

Nag-usap ng masinsinan ang dalawa sa plano nilang pagsasama
Handa ang prinsipe na itanan ang mahal kung kailangan
Naghayag naman ng takot at kaba si Maria sa pinapalano nila
Ngunit desedido ang prinsipe na ipaglaban silang dalawa
Kahit man matanggal siya sa kanilang kaharian ay ayos lang

Ilang sandali’y umalis na rin ang prinsipe na puno ng saya
Sapagkat sa araw na iyon, siya at si Maria’y nagkita
Dala ng kaniyang saloobin ang matinding pangarap at pag-asa
Na sa mga darating na panahon sila’y magkakatuluyan na
Kung kakailanganin, aalis sila sa kaharian upang mamuhay sa iba

Sa sumunod na araw, isang masakit na balita ang kaniyang nalaman
Si Maria’y bigla na lamang umalis at nawala sa kaharian
Dinamdam ito ng prinsipe at sinisi ang sarili sa pagkawala niya
Matagal na panahon ang kinailangan upang makalimutan si Maria
Pagkalipas ng ilang taon, nalaman na lamang niya na ito’y ikinasal na

Tang Ina

Mahirap at malungkot ang buhay na ginagalawan ni Zap sa piling ng kaniyang ama at pangalawang (bagong) ina. Mahigit mga limang taon na mula pa noong namatay ang tunay niyang nanay. Ngunit noong nakaraang taon ay may nakilala ang kaniyang ama na isang babaeng asawa na niya sa ngayon. Tunay siyang malungkot at parang ulila na rin dahil nga hindi na niya kasama ang orihinal na ina, madalas ay hindi na nito nararam-daman ang pagmamahal ng tunay na mga magulang. Masama ang kaniyang relasyon sa pangalawa niyang ina kaya’t lagi itong pinag-iinitan nito. Samantalang ang ama naman niya’y laging pabor at sumusunod sa kagustuhan ng pangalawa nitong asawa na si Maricel. Kawawang-kawawa si Zap kapag nasa bahay ito dahil iba’t ibang utos ang kaniyang nakukuha mula sa pangalawang ina. Sa katotohanan, minsan naman hindi na dapat gawain ni Zap ay nauutusan pa rin siyang asikasuhin ito.

Isang araw, habang nag-aayos ng gamit si Zap para pumasok, nakita at narinig niya si Maricel na may kausap sa telepono. Napalingon ito dahil sa mga bagay na sinasabi ng pangalawang ina sa kausap.

“Oo, malapit na! Ilang araw na lang at makukuha na natin!” pasabi ni Maricel sa kausap. Napansin niya na nakikinig si Zap sa kaniya kaya’t makalipas ang ilang segun-do’y binaba na niya ang telepono at dumiretso sa kwarto nito.

“Ano kaya yun? Ano ang nais niyang makuha?” tanong ni Zap sa kaniyang sarili.

Umalis ito at nagtungo sa eskwelahan dala ang mga kuro-kuro niya sa narinig. Para sa kaniya, tingin niya’y may masamang balak si Maricel para sa kaniyang ama o sa kanilang kabahayan. Buong araw hindi mapakali ang bata sa narinig, dahil dito hindi siya nakapag pokus sa iba’t iba nitong mga klase sa araw na iyon. Kinausap nito ang ilang mga kaibi-gan ukol sa agam-agam na dinadala.

“Pare, biro mo, narinig ko kaninang umaga na may kausap ang aking inang si Maricel sa telepono. Sabi ba naman ilang araw na lang at makukuha na nila,” pakwento ni Zap sa mga kaibigan. Nagtaka ang ibang mga kaibigan nitong nakarinig sa sinabi niya. Ang ilang ay nagbigay ng kanilang reaksiyon. Ang ilang naman ay naghayag ng pagduda sa tunay na intensyon ni Maricel sa kanilang dalawa ng kaniyang ama.

“Dapat siguro kausapin mo ang iyong ama ukol dito,” mungkahi ng isang kaibigan nito. Napa-isip si Zap sa sinabi at sinama niya ito sa mga bagay na karapat niyang gawin upang malaman ang plano ni Maricel. Pagdating sa bahay, diretso ito sa kaniyang kwarto at pinag-isipan ng mabuti ang dapat niyang gawin. Dahil sa mga bagay na bumabagbag sa binata, napansin ito ni Maricel. Tinawag niya ito upang maglinis ng ilang mga gamit pambahay.

“Hoy bata ka, tumayo ka diyan at maglinis ka ng mga gamit sa sala. Sayang ang pagkalalaki mo kung tatamad tamad ka lamang sa iyong buhay!” utos nang inang si Maricel. Ngunit bilang ganti, binigyan ni Zap ng masama o nakakaasar na tingin ito. Dahil hindi ito makareklamo, kinuha nito ang basahan at nag-ikot sa sala upang punasan ang mga gamit doon. Ilang oras pa’y napansin niya na nawala ang ina. Sinilip niya ito sa may kusina ngunit wala ito. Nagtungo ang bata sa may ‘masters bedroom’, dito nakita niyang may kinakalikot si Maricel sa maliit na gabinete. Patuloy na pinapasok ni Maricel ang susi sa may kandado ng maliit na gabinete, katabi ng kama nila.

“Ah tama, alam ko na, nais niyang buksan at kunin ang naiwang alahas ni nanay,” pabulong na sinabi ni Zap. Dahil dito sa ideyang naisip, ninais nitong kausapin kaagad ang ama para masabihan ito ukol sa plano ni Maricel.

Sa umaga pa lamang ng sumunod na araw, naka-upo na ito sa may lamesa sa kusina, matiyagang hinihintay ang pagbangon ng ama mula sa pagtulog nito. Kabadong-kabado ang anak sapagkat hindi nito alam kung ano ang magiging reaksyon ng ama, kung mani-niwala ba siya rito. Pero buo na ang loob nitong ikwento sa ama ang tunay na habol ni Maricel sa kaniya. Ngunit sa masamang palad, unang nagising si Maricel at ininsulto kaa-gad nito ang itsura ni Zap sa umagang iyon.

“Grabe naman, binata ka na nga pero sabog pa rin ang buhok mo. Mayroon ka pang muta sa iyong parehong mata!” sabi ni Maricel. Hindi na lang pinansin ni Zap ang mga sinabi sa kaniya ng ina. Pokus ang kaniyang utak upang maka-usap ang ama at balaan ito sa tunay na intensyon ni Maricel. Pagkatapos ng mga dalawa at kalahating oras, nagising na rin ang ama. Hinila ito ni Zap at kinausap sa may sala.

“Pa, alam mo bang may masamang plano si Maricel na gawin sa iyo,” ani ni Zap, “Narinig ko kasi siya kahapon sa may telepono at ang pinag-uusapan nila ata’y tungkol sa plano nilang pagnanakaw,” kwento ni Zap sa ama. Hindi kaagad naninawala ang ama sa-pagkat si Maricel ay taong mahal na mahal niya. Ang possibilidad ng pagloko niya rito’y hindi maaring maging totoo para sa kaniya. Isa itong bagay na mahirap para sa kaniya na paniwalaan. Maliban dito, nagdagdag pa si Zap para patunayan na may masamang balak si Maricel para sa kanila.

“Tapos, kahapon naman, nakita kong may hawak siyang susi at nagpupumilit na ma-buksan niya ang kandado ng maliit na gabinete sa kwarto niyo kung saan nakatago ang mga alahas ni nanay dati,” kwento muli ni Zap. Dahil dito nagdesisyon ang ama niya na kausapin na lamang si Maricel, itanong dito ang lahat ng mga bagay na sinabi ni Zap sa tungkol sa kaniya. Pag-alis ng ama sa may sala, nakita niya si Maricel sa may kusina at tinawag niya ito kaagad upang maka-usap.

“Ikaw ba’y may nais kunin mula rito sa aking kabahayan?” matapang na tanong ng ama rito. “Aba ako? Wala! Hindi ko kayang magawa yun! Mahal na mahal kita kaya’t hindi ko magagawa ang mga bagay na ganyan!” matatag na sagot naman ni Maricel. Nagtaka ang babae kung bakit napa-isip ang asawang lalaki na ito sa mga bagay na ganun. Bigla nitong naisip na ang binatang si Zap ang maaring nagsabi sa ama ukol sa mga bagay-bagay na ganito. Dumiretso ang babae upang makompronta si Zap ukol sa mga nasabi o natanung ng ama rito.

“Ikaw… ano mga pinagsasabi mo sa iyong ama? Puro mga kasinungalingan yata lahat ang mga sinasabi mo sa kaniya eh,” galit na pasabi ni Maricel.

“Bakit, umaamin ka na ba rito sa mga bintang ko laban sa iyo?” sagot ni Zap. Nagti-nginan ang dalawa ng masama, kitang-kita sa kanilang mga mata at mukha ang pagka-ayaw sa isa’t isa. “Hindi, hindi ako aamin kasi mali ang iyong mga bintang sa akin!” tugon ni Maricel sa binatang si Zap. Dito’y nagkaroon ng kaunting sagutan na ang dalawa, nalaman na marahil ni Maricel na ayaw na ayaw siya ni Zap.

Nag-walk out na lamang ng bigla si Maricel, dala ang masamang damdamin laban kay Zap, dahil sa mga bintang na nakuha nito. Sa parehong asal, biglang tumalikod na lamang ang binata at pumunta sa kuwarto nito. Napa-isip siya ng mabuti kung tama lang ang mga hakbang na ginagawa niya upang malaman ang intensyon ni Maricel para sa kanila.

Ngunit isang gabi, habang mahimbing ang tulog ng lahat, bumangon si Maricel at sinubukang buksan ang maliit na gabinete. Dahil Magkatabi ang kuwarto nila, nagising si Zap sa naramdamang galaw o sa narining niya mula sa ibang lugar sa bahay nila. Mahim-bing ng todo naman ang tulog ng ama nito kaya’t hindi niya napansin ang pagbaklas ni Maricel sa may kabinete nila.

“Sinasabi ko na nga ba, manloloko yang babae na iyan!” pahayag ni Zap. Bigla na lamang niyang nisip na tumawag sa 117, isang linya na konektado sa mga pulis ng buong ka-Maynilaan. Makalipas ang ilang minuto, dumating din ang mga pulis sa bahay nila upang sana pigilan si Maricel at ang mga kasabwat nito sa plano nilang pagnanakaw. Nagising din ang ama at nagulat sa nakitang pangyayari. Hindi ito makalaban man sapag-kat may nakatutok na baril sa ulo nito.

“Maricel, walang-hiya ka, anung ibig sabihin nito ha? Manloloko ka?” sigaw ng ama.

“Paumanhin pero mula noon pa’y todo na ang pagka-interes ko sa mga alahas na ito mula sa iyong unang asawa,” sagot ni Maricel sa ama. Sinabi rin nito na gusto niyang gamitin ang mga alahas na ito upang magkaroon ng sariling buhay na lamang.

Sumugod ang mga pulis mula sa likurang pinto ng bahay. Bigla na lamang nagsitak-buhan ang mga magnanakaw (mga kasama nito) ng makapasok na ang grupo ng pulis, partikular ang SWAT. Bigla na lamang nagpalitan ng putukan ang dalawang mga grupo. Takot na takot ang ama habang nangyayari itong bagay na ito sa kaniyang kabahayan. Si Zap naman ay nagtago sa may ilalim ng kaniyang kama.

Pero pagkatapos ng 5 minuto, tumigil na ang putukan, patay si Maricel at ang mga kasabwat nitong mga magnanakaw. Masayang nailigtas naman si Zap pati ang ama nito mula sa kaguluhang ito. Madamdamin ang pagtatagpong naganap sa pagitan nilang dala-wa, niyakap ng mabuti ni Zap ang kaniyang ama.

“Pagbigyan mo ako anak, ito’y kasalanan ko, dapat nakinig pala ako sa iyo mula dati pa,” sabi ng ama. “Ayos lang po, basta ang mabuti’y ligtas tayong dalawa,” pahayag ni Zap sa kaniyang nakatatandang ama. Pagkatapos ng araw na ito, hindi na muling nag-asawa ang kaniyang ama sa kahit na sinumang babae. Tuluyang naging malakas at matatag ang pagsasamahan ng mag-amang ito. Sa katapusan, sila rin ang nanatiling magkasama. Masaya silang namuhay kahit man wala silang kasamang nanay na kilalang nagbibigay ilaw sa tahanan.

Inay, May Manananggal Sa Bubong

Inay, may manananggal po sa may bubong!
Dumungaw ako kani-kanina ng marinig ang ugong
at aking namalasan ang tampalasang maligno.

Mula sa pawid na kisame, sumilip ang anino
na waring naniniktik at nag-aabang ng kung ano.
Nagtago ako sa ilalim ng lamesang may bagoong
habang naghihintay ng paparating na tulong.

Nanigas po ako’t nawalan na ng pagkakataon
upang agad kayong masabihan bago pa maglaon.
Nagsitayuan po kasi ang aking mga balahibo
ng makapasok ng ating bahay itong aswang na kalbo.

Diyoskopo! Inay kung nakita lamang ninyo
ay tiyak na magugulat din sa matipunong anyo.
Mukha ng manananggal ay sa isang Manileño
Kaiba sa malimit na paglalarawan sa kwento.

Malayo man ay nawari kong nagmamadali ito
kaya siguro nalimutang paghiwalayin ang buto.
Dahan-dahan siyang lumibot at sa kana’y lumiko;
Pumasok ang aswang sa kwarto ni Ate Biko.

Kumabig ng matulin, ng walang tigil, ang puso ko.
Iniyakan ang sasapitin ng ate sa kanyang kuko.
Kung kaya’t kinagat ko ang nanginginig na braso,
kumuha ng tubong pamalo at sinugod ang asal-aso

Binuksan ko ang pinto at sa kanyang laking gulat
manananggal na naglalangis ay biglaang nagmulat.
Ngunit huli na ang lahat dahil si ate’y tila nakagat;
Tumutulong husto ang laway sa kayumangging balat.

Naiintindihan kong buhay ay sadyang salat
dahil itong si ate hinawakan ang kanyang balikat,
sabay takas kasama ng manananggal;
sumama ba naman doon sa walang dangal.

Nang makarating kayo, inay, sa kwarto ni ate
ay tapos na ang mga mainit na pangyayari.
Tinangay na siya ng aswang galing dito sa Cavite,
Isang manananggal, isang halimaw na buwitre.

Protesta, Kaguluhan, Kasawian

“Bagong lider ating dapat iboto
Upang bayan natin ay umasenso
Huwag na tayong magpaloko
Sa mga kandidatong tunay na bobo”
maingay na sigaw ng mga taong nagpoprotesta

May rally na naman sa lugar ng Mendiola
Para sa mga estudyante, sa eleksyon huwag na magpabola
Nandito ang lahat ng mga miyembro ng anak-bayan
Upang ihayag ang kanilang saloobin at nararamdaman
Ang gobyerno’y karapat na rin daw palitan

Habang nagaganap ang mapayapang protesta
Nasa itaas naman ng entablado mga lider nagsasalita
Isa rito’y ang kilalang lider na si Satur Ocampo ng Bayan Muna
Sa kaniyang talumpati, mga tao’y nagsiwalaan bigla
Todong suporta mula sa lahat ay tunay na naipakita

Sanhi ng protesta, mga awtoridad o pulis nagsidatingan
Bigla silang lumapit sa entablado upang kausapin ang mga lider
Ngunit ang pagdating ng opisyal ng pulis wala man lang pumansin
Hindi natakot ang mga tao sa kanila o sa maari nilang gawin
Nagpatuloy lamang sa mga talumpating kanilang pinapakinggan

Pumorma ang mga pulis at gumawa ng harang sa harap
Upang buwagin ang patuloy na protestang nagaganap
Kahit anu mang oras ay magkakaroon na ng kaguluhan
Dumating din ang mga bumbero upang sila’y tulungan
protesta sa Mga rallyista tiyak nilang pipigilan

Sumugod ang mga pulis at bumbero sa mga rallyista
Ang sumunod na mga pangyayari ‘ di na maisip pa
Isang mapayapang protesta sa karahasan napunta
Sa tindi ng tensyong naganap maraming nasugatan
Malinaw sa Pilipinas ang demokrasya’y sawi na

Hanggang kailan pa ba natin itong papayagan?
Oras na para ang lahat ay maging matatag at lumaban

Liham ng isang Sugatang Tulisan

Alas-kwatro na ng madaling araw – ang paborito kong oras. Sa ganitong oras kasi, tila burado lahat ng kamalian sa mundo. Sariwa ang haplos ng hangin, purong puro ang kadiliman ng kalangitan, at ang tinig ng mga insekto lamang ang iyong maririnig.

Mahimbing ang tulog ng mundo. Kaunting oras na lamang, muli na namang babangon ang sangkatauhan upang simulan ang panibagong yugto ng walang kamatayang mga tunggalian. Iyan ang sabi sa Das Kapital ni Marx. Limang taon na rin mula ng una kong mabasa ang aklat na iyon. Sa totoo lang, hindi ko naintindihan ang kabuuan ng librong iyon. Pero dahil gusto ko talagang sumali sa kilusan para sa rebolusyon, alam kong kailangan ko ng sapat na kaalaman upang aking masuportahan ang aking mga paninindigan. Kaunting oras na lamang, gigising na si Itay upang magtimpla ng kape at mag jogging sa kanto. Malapit na ring gumising si Inay upang magluto ng agahan.

Naalala ko bigla yung ex ko nung kolehiyo. Naalala ko ang landi ng kaniyang tinig na tila yumayapos sa akin sa tuwing inuumaga na kami sa pagtetelebabad. Naalala ko ang takot na bumalot sa kaniyang mukha sa unang pagkakataong niyaya ko siyang makipagtalik sa akin. Umiyak siya pagkatapos; hindi dahil sa pagsisisi, ngunit dahil kapwa naming alam na iyon na rin ang huling pagkakataon.

Ilang beses ko ng sinubukang magsulat tungkol sa kaniya, sa aking mga magulang, at tungkol sa mga kasamahan ko sa rebolusyon ngunit parati akong natitigilan. Hindi ako mahusay na kuwentista. Sa limang kuwentong ipinasa ko sa Liwayway, wala man lang natanggap. Dahil sa mga kabiguang ito, huminto ako sa pag-aaral ng Malikhaing Pagsusulat. Ngayon ko lang napagtanto na hindi pala pagkukuwento ang aking buhay; bagkus, ang buhay ay ang aking kuwento. Ito na rin siguro ang dahilan kung bakit maraming hindi nakauunawa sa akin – dahil hindi ko kayang ipahayag ang aking mga naiisip at nararamdaman. Kaya siguro ako nahumaling sa katahimikan ng madaling araw, dahil dito ko nakikita ang kagandahan ng katahimikan.

Panandaliang nakatigil mundo, at maya-maya’y mag-uumpisa na muli itong umikot. Iikot ito ng iikot, hanggang magunaw ang sangkalawakan.

Nararapat lamang siguro na sa ganitong oras ako mamamaalam sapagkat kahit papaano'y maaala ng hangin at ng mga puno na huminto ang mundo ng ako'y lumisan.

Mata sa Mata

Tila mga pira-pirasong bubog ang nakakalat sa kalawakan ang mga bituin habang nilalamon ng kadiliman ang mausok na kalangitan ng Maynila. Kaytagal na pinagmasdan ni Utoy ang monumento ni Gat Jose Rizal habang nagtitimpla ng kape na order ng kostumer ng karinderya.

“Iho, baka matunaw ang estatwa, huwag mo masyadong titigan”, ang palabirong utos ng kaniyang Tiyo Paeng. Sa totoo lang, naiirita na ang tiyuhin ng binata sa tuwing nahuhuli niya itong nakatitig sa monumento. Ngunit di niya magawang mapagalitan ang bata dahil ito na lamang ang katuwang niya sa pagpapatakbo ng kapihan sa Luneta.

“Baka pag pagalitan ko’y magrebelde at magpalaboy-laboy pa sa daan”, minsang pabirong sinabi ni Paeng sa mga kostumer na nagtatanong kung bakit parating nakatingin si Tolits sa monumento.

“Hayaan mo na Paeng, masarap naman magtimpla ng kape, eh! He-he-he”, ang patawang sagot ng mga lasinggerong umiinom ng kape upang malunasan ang kanilang hang-over.

Limang taong gulang pa lamang si Utoy ng masawi ang kanyang ina, samantalng wala siyang kinalakihang ama. Matapos noo’y kinupkop na siya ng kaniyang Tiyo Paeng, ang nag-iisang kapatid ng kaniyang Nanay. Magmula ng siya’y tumulong sa pagtitinda sa kapihan ni Paeng sa Luneta, hindi lumipas ang isang araw na hindi siya nalunod sa katitingin sa mapanghalinang monumento.

Nang unang nakita ni Utoy ang estatwa, agad siyang nahalina dito. Ngunit sa kabila nito, hindi pa rin nya lubos maunawaan ang dahilan ng kaniyang pagkahalina at di masagot-sagot ng ilang oras na pagtitig dito ang katanungang matagal na bumabalot sa kaniyang isipan – kung ano nga ba ang kinakatawan ng rebultong ito.

Sa paglipas ng mga araw, kinokonsumo na siya ng tila kahibangan na dala ng rebultong ito.

“Utoy, kung ipipilit mong malaman ang dahilan kung bakit nandiyan si Rizal, sana tinanong mo na rin ang dahilan kung bakit ang ulo niya ay nasa piso at posporo. Sige, ipagpatuloy mo lang iyan at magagaya ka na sa mga ulol nating mga kostumer”.

Patuloy lamang sa pagsasalita ang kaniyang tiyuhin ngunit tila ang bawat salita’y lumalabas sa kabila niyang tainga.

“Masyado lang po akong nahihiwagaan. Sabi po sa akin ni Inay nang kami’y unang pumasyal dito sa Luneta, ‘Nasa mata ni Gat Jose Rizal ang kasagutan ng lahat ng iyong katanungan’”, pahayag ni Utoy.

“Utoy, alam mo namang iyang Inay mo ay tulad ni Madonna at ang iyong ama naman, tulad niyang si Bruno”, sagot ng kaniyang tiyuhin sabay turo sa kanilang mga regular costumers.

Gaya ng kaniyang pagtataka sa kahiwagaan ng rebulto, nananalaytay din sa kaniyang pag-iisip ang mga katanungan ukol sa mga kuwento ng buhay at pagkatao ng mga taong tinitimplahan niya ng kape sa tuwing magtatakipsilim.

Nandiyan si “Lady Madonna”, ang walang dudang reyna ng tsismis, at napabalitang “napapasubo” sa mga matatandang turistang foreigner; nandiyan rin si Bruno, ang manlalasing ng Luneta; si Eleanor, ang dalagang namamalimos na pinagkakakitaan ng mga sindikato; at marami pang mga taong may mga kakaibang personalidad.

Sumagi sa isip niya ang katanungan kung ano ba ang iniisip ng mga ito sa tuwing titingin sila sa rebulto, magin ang iniisip ng kaniyang tiyuhin.

Ngunit napuno na rin si Utoy.

“Kailangan ko nang malaman kung ano ang iniisip nila”, ang mapagpasyang sambit ni Utoy kasabay ng kaniyang pagbuntong hininga.

Alas onse na ng gabi ng napagpasyahan niyang itanong na ang mga katanungang bumabagabag sa kaniya.

“Utoy, tatlong kape nga, isang walang creamer”, utos ng kaniyang tiyuhin.

Hinulaan ni Utoy kung sino ang mga kostumer, at tamang tama ang kaniyang hula na sila Madonna, Bruno, at Eleanor ang nasa tindahan.

Ayos, swak na swak, sabi niya sa kaniyang sarili.

Ibinaba ni Utoy sa lamesa ang mga mainit na tasa at umupo sa bakanteng bangko.

“May nais lang po sana akong tanungin, kung papayag kayo”, pahayag niya sa mga kostumer na nagkakape.

Aba syempre naman hijo, sa sarap ba naman ng kapeng itinimpla mo eh, di ko matitiis sagutin ang mga itatanong mo”, tugon ni Madonna, sabay hagod ng foundation sa mukha. Tumango si Bruno at Eleanor sa pagsang-ayon.

“Matagal na po akong napagkakamalang sira-ulo dahil gusto kong malaman ang tunay na dahilan ng pagkakatayo ng rebulto ni Rizal diyan at kung ano ba ang kinakatawan nito, pero nais ko lang po malaman ang kasagutan”, pahayag ni Utoy sa kaniyang mga kausap na para bang natapunan ng kape matapos marinig ang katanungan.

“Well you know boy...”

“Leche, tigilan mo nga yang pag-iingles mo!”, pasigaw na utos ni Bruno kay Madonna. “Kaya ka pinagtatawanan ng mga kostumer mong kano eh!”, sabay tawa pa ng lasing na lalaki.

“Inggit ka lang no, because you doesn’t know to spoke English!”, pasigaw na sagot ni Madonna. “Anyway, sa tuwing nakikita ko si Rizal, naaalala ko ang kaisa-isahang lalaking tunay kong minahal, si Pablo. Kaso iniwan niya ako dahil ipinagpatuloy niya ang pagsusundalo. Gusto niya daw pagsilbihan ang Pilipinas. Pagkatapos ng isang buwan sa bakbakan, napatay siya. Dapat ay pinakasalan niya na lang ako at sana kami pa ngayon ang nagbabakbakan! Ha-ha-ha!”, sagot ni Madonna.

“Ikaw talagang malandi ka, puro kabastusan tinuturo mo sa bata!”, pasigaw na sinabi ni Bruno.

“Sa totoo lang Utoy, iyang rebulto na iyan lamang ang dahilan kung bakit siuro’y buhay pa ko ngayon. Iyan na lang ang pinaguhugutan ko ng pag-asa. Nakakatuwa nga eh, patay na si Rizal, hanggang ngayo’y bayani pa rin siya para sa akin.”, pahayag ni Bruno na tila ba naiiyak.

Nagdesisyon si Eleanor na basagin ang katahimikan at banggitin ang kaniyang opinyon. “Kung ako naman ang tatanungin mo, tingin ko, iyang rebulto na iyan ang dahilan kung bakit palaboy ako ngayon. Maayos na sana ang buhay ko sa Masbate, ngunit naudyok ako ng mga kaibigan kong pumunta sa Maynila dahil nahalina sila sa pag-asang dala ng larawan ng estatwa ni Rizal”.

Narinig ni Paeng ang kuwentuhan ng apat, at hindi rin ito nakatiis at napasali na rin sa diskusyon.

“Para sa akin, si Rizal ang dahilan kung bakit tayo nandito ngayon. Kung hindi siya nagpakatarantado at pumayag mabaril sa Luneta, malamang di pa malaya ang bansa natin.”

“O ngayon Utoy, nasagot na ba ang mga katanungan mo?"

Hindi umimik si Utoy. Sa halip, pinagmasdan nya ang rebulto sa napakahabang panahon – mas mahaba pa sa panahong ginugugol niya araw-araw sa pagtitig dito.

Sa mga mata ng walang buhay na estatwa, nakita niya ang larawan ng isang lalaking iniwan ang babaeng mahal niya upang pagsilbihan ang bayan; larawan ng isang anghel na inililigtas ang isang kaluluwa mula sa kapahamakan; larawan ng isang demonyong inuudyok ang isang inosenteng kaluluwa; larawan ng kaniyang ina; at higit sa lahat, larawan ng isang Pilipinong limot na ang kabayanihan na patuloy na lamang nabubuhay sa pamamagitan ng isang rebultong sementong sumasalamin ng mga larawan ng pag-asa, pag-ibig, kasawaian, at buhay.

Maraming mga bagay na matagal na niyang tinatanong ay nasagot sa gabing iyon, ngunit sa pagdating ng bagong umaga, ang kahiwagaan at pagkahalina niya sa rebulto ay patuloy pa ring magiging isang bahagi na ng kaniyang pagkatao – tulad ng bawat pagbukang-liwayway na ito’y sumagi sa kaniyang kaisipan – tulad ng dati, tulad ng inaasahan.

Si Mamang Tsuper.

Siya'y isang musikerong hinaharana
ang kabuhayan sa busina.
Isang pintor na inilalarawan
ang mukha ng paggawa,
Isang manunulat na kinakatha
ang kuwento ng lipunan.
Sa windshield ay kaniyang pinagmamasdan
ang dula ng buhay sa kalsada
Sa rearview mirror ay pinapanood
ang bawat interesanteng eksena.
Ngunit hindi niya bati
na isa siyang aktor
sa entablado ng expressway
na tahimik na iniluluha
ang pait ng buhay
habang niroromansa
ang kaniyang kapalaran.

Pamanang Kamiseta

Ang puti kong kamiseta'y pinagmamasdan
at ang ganda nito'y hangad ng karamihan.

Ng minsan ito'y aking isinuot,
di sinasadyang masira't madungisan

Namuo ang mga bahid ng dugo
at kumapit ang putik at alikabok

Napunit ang kuwelyo't manggas
at nangamoy ng kabulukan.

Ito'y aking lubos na ikinalungkot
at sinabi ko sa aking sarili:

Mabuti ay itago na lang
at huwag ng gamitin pa

Kung linis at bango naman nito'y
panandalain at makukupas lamang.

Ngunit ngayong huli na ang lahat,
luha't tanong na lang ang nasa isipan:


Sino ang suslsi sa bawat punit at butas,
sino ang kukuskos sa bawat mantsa


ngayong ang labandera'y wala na?

Paghihinagpis

Pinatuloy ko sila sa aking tahanan
ng maluwalhati sa aking kalooban
ngunit katulad ng karaniwang magnanakaw,
sila’y palihim na gumawa ng kahayupan.


Ginahasa nila ang aking lupain at ilog,
niyurak ang aking mga talampas at bundok,
sinakal ang aking dangal, kultura’t kaluluwa;

at hindi pinatawad maging ang aking katawan:

nilapastangan
ng mga iho de puta,
ng mga son of a bitch,
ng mga bakero.


Inalipin,
binulag,
hinalay.


Pinasan ko ang kanilang krus,
pinag-aralan ang kanilang mga aklat,
at ibinigay ang kagustuhan
ng kanilang mga laman.


Ngunit lahat ng bagay ay may katapusan.
Lintik lamang ang walang ganti.


Aking mga anak, dinggin ninyo
ang aking hinagpis at ito’y inyong damhin.


Saluhin ninyo ang aking luha’t
ibuhos ito sa lupaing tigang
sa hustisya’t pagkakaisa.

Nawa’y ang mga salitang aking ipamamana
ay magsilbing apoy para sa inyong mga mitsa.
Bigyang ilaw ang susunod na salinlahi’t
isigaw ang ating hamon:

ang ganti ng Pilipino laban sa mundo
ay ang aming pagkakaisa at ang aming pagkatuto.

3.27.2007

Doon Sa May Silong

“Maniniwala ka ba kapag sinabi kong ni-rape na ako noon?”

Mabilis ang mga pangyayari. Parehas kaming hingal-aso sa sobrang katatakbo upang maghanap ng masisilungan at sa kalagitnaa’y bigla na lamang siyang napatigil. Kinailangan ko pa siyang daragin patungo sa waiting shed. Basang-basa kami at nang mahimasmasa’y bigla siyang napakwento.

Malakas ang buhos ng ulan na tila ba may ga-higanteng nagtatambol sa kung saan. Gayunpaman, nangibabaw ang marahan niyang boses. Huminga siya ng malalim. May kalayuan din ang aming tinakbo upang makarating sa hintayan ng mga sasakyan. Walang tao sa paligid maliban sa amin. Malapit na kasing maggabi ngunit heto kaming dalawa, animo’y mga basang sisiw na naliligaw.

Hindi ko mawari ng mga sandaling iyon kung garapalan na naman ba akong binibiro ng aking kaibigan. Madalas kasi akong gawing sentro ng katatawanan dala na rin marahil ng aking pagiging batang-isip. Itinuturing nila akong bunso sa aming grupo habang siya naman ang pasaway at laki sa layaw na bata. Tiningnan ko ng maigi ang kaniyang mga mata bago sinagot ang kaniyang sinabi. “O? Joke ba yan?”

Katulad ng aking inaasahan, lumaki nga ang kaniyang mata sabay halakhak. Ano pa’t napatawa na rin ako kasabay niya. May pagkapilya talaga siya. Medyo nasanay na rin ako sa mga hirit niya. Marahil isang taon na ang lumilipas ng lumipat silang mag-anak dito sa probinsya. Tinanggap namin siya nang buong puso hanggang sa siya’y naging isang kabarkada.

“Gago ka talaga,” sambit ko sabay palo sa kaniyang likuran. “Kumukupas na mga joke mo ‘tol.”

Umupo na ako at inaya siyang umupo na rin pero mas gusto raw niyang tumayo na lamang upang matanaw kung may paparating nang tricycle. Sa kasamaang palad, kahit na humina ng kaunti ang buhos ng ulan. wala pa ring tricycle na dumadaan. Shit, naisip ko. Mukhang sesermonan na naman ako sa bahay.

Masigasig na nakatitig ang aking kaibigan sa dulo ng daanan. Naiinip na rin marahil kahihintay sa tricycle. Kapag minalas nga naman.

Kinalabit ko siya. “Matagal pa kaya? Lilitsunin na ‘ko ng tatay ko pag natagalan pa e.”

Umiling siya sabay bumalik sa pagaabang. Matibay din talaga. Kanina pang nakatayo at di man lamang nangangawit. Wala pang kaimik-imik. Natatahimik rin pala ang babaeng ito.

Wala nang ibang mauulinigan pa kundi ang tunog ng bawat patak ng ulan. Nag-isip ako ng mabuti ng maaaring pag-usapan. Kakatuwa ang episode ng PBB kagabi. Pinarusahan ‘yong babaeng lumandi kay Sam Milby. Magandang pag-usapan ang babaing iyon dahil ayaw ng barkada namin sa kaniya kung kaya’t matindi ang panlalait namin doon. Binuksan ko ang aking bibig upang magsalita ngunit napatigil dahil sa nagsalita siya.

“Mag-iisang taon na rin siguro o mahigit pa.” Nakatingin pa rin siya sa malayo at tulad ng malamig na paligid may halong lamig ang kanyang tono.

Pakiramdam ko noon ay magdadrama ang kaibigan ko¾ senti mode. Mukhang ang magiging usapa’y tungkol sa aming pagkakaibigan. Ngunit, taliwas sa aking inaakala ang kanyang mga sinabi pagkatapos.

Napatawa siya ng kaunti, natigilan. Hinihintay niya marahil kung anong isasagot ko at nang hindi ako nagsalita, ipinagpatuloy niya ang pagkukwento.

“Nakapunta ka na ba sa club? Sa bar?”

Umiling ako sa kanya. “Hello? Ni hindi nga ko umiinom tapos magbabar ako. Asa.”

“Oo nga naman. Bano ka nga pala sa mga ganyan. Ayos ‘yan, inosente ka pa.”

Lumapit siya sa akin at umupo na rin sa aking tabi. Hihiritan ko dapat siya, tutuksuhin kumbaga ngunit muli akong natigilan. Sa pag-upo niya kasi sa aking tabi, mas lalo kong napagmasdan ang kanyang mga mata. Noon pa man ay malamlam na ang mga ito pero may kakaiba rito noong mga panahong iyon.

Napansin niya marahil ang pagtitig ko dahil ibinaling niya ang atensyon sa malayo. Ngumiti siya. “Kanina n’ong tumatakbo tayo. Napagod ako kaya tumigil ako sa kalagitnaan.”

“Bangag ka talaga. Sa susunod, ‘wag mo kong idadamay sa mga trip mo! Parehas tuloy tayong naligo sa ulan.”

“Napagod ako e. Ayokong napapagod. Parang naisip ko kanina, bakit pa natin kailangang tumakbo e mababasa rin naman tayo? Alam mo bang mas mababasa ka raw kapag tumakbo ka habang umuulan kasi nakukuha mo lahat ng patak sa konting oras lang?”

Malabo talaga ang kaibigan ko. Ganun siguro ‘pag laking Maynila. Magulo makipag-usap. Wala pang point. “Please lang ha. ‘Wag mo kong bigyan ng lecture sa kung anong scientific explanation meron yan at wala akong natututunan sa Physics. Basta sabi ng nanay ko, ‘pag umulan, tumakbo ka sa silong. Period.”

Napatawa ulit siya habang nakatingin pa rin sa malayo.

“May party kasi n’on ‘tol,” panimula niya. “Sa Manila, uso ang clubbing.”

Ang labo. Parang natunaw na ng ulan ang kaunting katinuang natitira sa kanya. May pagkabangag talaga ata. Clubbing? Paki ko naman d’on.

“Nagpaparty kami ng mga letse kong kaibigan. Hindi kayo¾” dagdag niya ng makita ang simangot sa mukha ko. “Gaga, ‘yong mga kaibigan ko sa Manila. Letse sila hindi kayo.”

“Akala ko kami e. Muntik na kitang itulak sa may ulan para diyan ka magpakabangag.” pabiro kong sinabi. Inasahan kong tatawa siya ngunit ni hindi siya ngumiti.

“Nilasing ako ng mga puta. Ewan ko, baka may hinalo sa inumin kong kung ano.”

Natahimik ako. Naaninagan ko kung saan papunta ang usapan. Walang halong pagbibiro ang tono niya. Wala akong kawala. Kahit na ayaw ko ng marinig ang mga susunod na detalye, hindi ko siya magawang pigilan. Hindi handa ang isip ko sa mga maaari niyang sambitin. Natakot ako. Kumuha siya ng sigarilyo mula sa kaha sa kanyang bulsa at sinindihan ito.

“Boyfriend ko nga iyong may gawa. Isipin mo, pagkagising ko wala na lahat.”

Nagkwento siya na tila ba isang ordinaryong pangyayari lang ang lahat. Hinithit niya ang sigarilyo at bumuga ng usok. “Ay sori, ayaw mo nga pala sa usok.”

Nilunok ko ang aking laway upang maalis ang harang sa lalamunan. “Sinabi mo ba sa parents mo?”

Humithit siyang magmuli sabay buga sa kabilang dako. “’Sus, bakit pa? Busy sila sa trabaho. Alangang sabihin kong ‘Pa, binaboy ako kagabi!’ Lalaki lang ang gulo ‘di ba? Ewan. O baka naman dahil tanga lang talaga ako. Bobo. Kaya nga bumabagsak ako sa Calculus. Turuan mo ko bukas a.”

“Ayaw mo bang mabigyan ng¾

Justice? ‘Di na uso yan sa Pinas. Ano ka ba? E ‘yong mga kaibigan ko nga n’on eh¾ mga letse talaga. Mas pinaniwalaan ‘yong puñetang lalaking ‘yon. Iyong iba, pinagtakpan pa. Once a puta, always a puta daw. Mga letse. ”

Hindi ko alam kung anong dapat kong sabihin, kung anong dapat kong maramdaman. Hindi ko alam kung dapat pa ba ‘kong magtanong. Katulad ng dati, naliligaw na naman ako.

“Ba’t ganyan hitsura mo? Para kang pinakain ng ampalaya a. Wala ‘yon ‘tol, tapos na ‘yon. Kinalimutan ko na. Wala, naalala ko lang talaga ng bigla. Haha, labo ‘no? Nakakapagod kasi tumakbo. O! ayan na pala tricycle e! Psst, manong dito!”

Pumasok kaming dalawa sa tricycle at naghiwalay sa pag-uwi. Hindi na niya binanggit pa ang tungkol sa mga napag-usapan naming ng gabing iyon. Ganoon din naman ako. Nagkita kaming dalawa, nagkamustahan kinabukasan, na tila ba walang nangyari kinagabihan. Tinuruan ko siya sa Calculus at pumasa kami sa pagsusulit. Nangyari at natapos ang lahat doon sa may silong. Nangyari. Natapos.

Nanay, Mahal Kita!

Araw o Gabi, tuloy-tuloy lang ang sipag na pinapakita ni Jose sa kaniyang trabaho bilang manager ng isang sikat na kainan. Oo masasabi ng iba na isa siyang tipikal na taong matiyagang nagsisikap sa kaniyang trabaho upang mabigyang ng magandang kinabukasan ang kaniyang pamilya. Pero ang hindi alam ng nakararami, maliban sa todong pagtrabaho niya sa kaniyang gawain pangbuhay, may malungkot at masakit na nakaraan ang dinadamdam nito hanggang sa mga araw na iyon. Ito ang maagang pagkamatay ng kaniyang mahal na mahal na asawa na si Jane. Dahil sa kaganapang ito, siya’y tumayo bilang tatay at ina sa kanilang mga anak.

Maaga pa lamang sa kanilang samahan bilang mag-asawa, nagkaroon ng malubhang sakit na kanser ang asawa nitong si Jane. Ang delikadong sakit nitong kanser sa dibdib ay hindi na niya naagapan sapagkat nang ito’y madiskubre ng mga espesyalista, nasa pa-ngatlong baitang na ito.

“Naiiyak ako kasi wala akong magawa, wala akong magawa para sana tuluyang mawala ang sakit mo na iyan!” emosyonal na inihayag ni Jose sa kaniya. “Huwag ka nang mag-alala masyado. Sa tingin ko nagkaroon ako ng ganitong sakit dahil kagustuhan ito ng Diyos,” matatag naman na sagot ng asawa.

Ito ang isang bagay na makikitang kaka-iba sa personalidad ni Jane. Noong panahon na nalaman niyang mayroon siyang kanser, hindi man lamang ito nagsisi o nagalit ng todo sa Panginoon. Bunga ito ng kaniyang pagkakaroon ng pananampalatayang pagiging malapit at malakas sa Diyos. Ngunit hindi kaagad sumuko sa laban si Jane sapagkat dahil sa pagrekomenda ng mga doktor niya na karapat itong magpakemo therapy, sinunod niya ito ng buong loob.

Tuluyang nalungkot ang lima nilang anak na sina Mark, Ana, Nicole, Miguelito at Leslie. Pagiging panganay sa limang magkakapatid, sinubukan ni Mark na alagaan ng todo ang kaniyang mga kapwa kapatid habang ang kanilang ina’y nasa ospital at nagpa-

pagamot. Ngunit hindi talaga naging madali ang problemang ito sapagkat ang bunsong anak na si Leslie na kilalang malapit sa ina’y umiiyak araw araw. Sinubukan itong kausapin ng iba nitong mga kapatid para tumigil na ito sana sa kakaiyak. Ngunit sa kasamaang palad, wala ni isa rito sa kanila ang nakapagpigil dito. Mabuti na lamang, napansin ni Jose ang kalungkutan nadarama ng bunsong anak na babae. Isang araw, habang naglalaro ang bunsong anak, minabuti na nitong hilain ito at kausapin.

“Leslie, bakit ka ba laging umiiyak?” tanong ng tatay.

“Eh kasi po, nalulungkot ako ng sobra sa sakit na mayroon ang nanay. Alam ko kasi may possibilidad na mamatay ito,” sagot ng anak. Dahil sa nalamang impormasyon, sinu-bukan ng ama na ipaliwanag dito ang tunay na kalagayan ng asawa.

“Hindi mo ba alam na kaya’t nasa ospital ang nanay ay para magamot ang sakit na dinadanas nito,” paliwanag ng ama. “Sabi nga ng mga doktor niya, hindi dapat tayo mawalan ng pag-asa sapagkat kailangan ni nanay ang ating buong suporta,” dagdag pa ng ama.

“Hindi po ba dahil sa kaukulang sitwasyon ng nanay, malaki ang possibilidad na hindi gumana ang therapy na tinatanggap nito,” tugon ni Leslie.

Base sa inihayag ng bata masasabi nating isa itong matalinong babaeng bunso. Pero tama lamang ito sapagkat kilala si Leslie bilang isa sa mga pinaka matalino sa eskwelahan na pinapasukan nito.

“Oh sige, aaminin ko nang nasa malubhang sitwasyon na nga ang kanser ni nanay ngunit dapat pa rin tayong magpatuloy na magdasal upang sana’y gumaling na siya,” punto naman ni Jose. Dahil sa sinabi, umiiyak na naman ang bata. Hindi nito matanggap ang possibilidad na mamatay na ang kaniyang mahal na ina.

“Sinasabi ko na nga po eh, mamatay rin ang ina!!!” malungkot na hayag ng bunso.

“Huwag, huwag sana ganyan ang maging pag-iisip mo Leslie. Sana’y maging matatag ka kahit papaano. Naiintindihan ko na mahina ka sa mga problemang ganito dahil bata ka pa lamang. Pero sana magpatuloy pa rin ang pagdasal mo kay nanay upang gumaling na ito,” pahayag ni Jose.

Makalipas ng ilang segundo, niyakap ni Jose ang pinaka bunsong anak na babae. Patuloy pa rin itong umiiyak habang hinalikan ng ama sa noo.

Mabuti na lamang, maliban lamang kay Leslie, ang lahat ng iba nilang anak ay tanggap ang sakit na mayroon ang ina. Si Ana ay laging dumadaan sa simbahan upang ipagdasal ang ina kahit man gabihin na itong matapos mula sa eskwela. Sina Nicole at Miguelito naman ay nagsusulat sa ina ng mga mensahe upang gumaling na ito kaagad at makasama na nila ito muli.

Mahigit apat na buwan din ang panggagamot na nakuha ng ina para malunasan na ang sakit na dinadala. Sa tatlong beses nitong pagpunta sa ospital bawat buwan, tatlong beses din na sumama si Jose para alalayan at samahan ang asawa niya. Walang ni-isang panahon na nagreklamo ito at dahil dito makikita natin ang taos pusong pagmamahal na mayroon siya rito.

“Kaya mo yan Jane, pinagdadasal ka namin ng mga anak mo. Pati ang mga kapamilya natin ay naghayag ng kanilang suporta sa iyong nakukuhang panggagamot,” emosyonal na sinabi ng asawa. Dahil sa dami ng ‘kemo therapy’ na pinagdadaanan nito, natural lamang na dahan-dahang maubos ang pera ng mag-asawa. Ngunit hindi naapektuhan si Jose sa pagka-ubos ng kanilang pera para lamang mapagamot ito. Sa katunayan, humingi pa ito ng tulong mula sa mga kapamilya at malalapit na kaibigan nila upang matulungan sila na bayaran ang mga gastusin nila sa ospital.

Ngunit sa pangalawang linggo ng buwan ng Hulyo, bigla na lamang tumawag ang doktor ni Jane kay Jose upang sana maka-usap ito sa kanilang opisina sa Ospital. Sa pagka-alam dito, pumunta at nakipagkita sa sumunod na araw si Jose sa mga doktor sa ospital. Matatag itong pumunta at humarap sa kanila.

“Magandang umaga Jose! Mabuti nakapunta ka kaagad,” sabi ng isa sa mga doktor. “Aba opo, kahit anong bagay na konektado sa kalusugan ng asawa ko’y importante para sa akin,” sagot naman ni Jose

“Hindi na kami magpapa liguy-ligoy pa,” ani ng doktor, “Ang rason kung kaya’t pinapunta ka namin dito’y nais naming sabihin ang resulta ng apat na buwang panggaga-mot sa inyong asawa.”

“Ganun ba, mabuti naman pala. So ano po ang naging resulta?” tanong ni Jose.

“Gumana po ba ang mga panggagamot na ibinigay ninyo sa kaniya?” dagdag na tanong pa nito.

Biglang naging malungkot ang tono ng boses ng isa sa 3 doktor na umaasikaso sa sitwasyon ng asawa. Sa katotohanan, maari mo nang maisip na habang kausap ni Jose ang doktor na ito’y hindi na maganda ang balitang dala niya.

“Gusto ko pong malaman ninyo ngayon pa lamang na, wala o hindi, hindi naging matagumpay ang panggagamot na ibinigay namin sa inyong asawa!” marangal na sinabi ng doktor. Bigla na lamang napaiyak si Jose sa narinig na napakalungkot na balita. Kitang-kita sa kaniyang mga mata ang bakas ng pagkagulat at todong pagkalungkot.

“Dok… wala na po ba kayong pwedeng magawa para sa sakit niya?” tanong ni Jose.

“Malungkot ho naming sasabihin na wala naman po… Ang therapy na dinaanan ng inyong asawa ang tanging paraan upang magamot ang sakit niyang kanser,” tugon ng doktor. Natulala ng matagal si Jose habang malalim na iniisip ang magiging reaksiyon ng kaniyang limang mga anak kapag malaman ang masamang balita na ito. Napunta ang usapan sa taning ng buhay ni Jane. Nagpumilit si Jose na alamin ang natitirang araw pa ng kaniyang asawa mula sa mga doktor.

“Sabihin ninyo sa akin, ano ang taning ng buhay ng aking asawa?” mausisang tanong ni Jose. “Siguro po mga 1 o hanggang 2 buwan na lamang ang natitirang araw ng misis niyo po,” sagot ng mga doktor.

Makatapos ang ilang minuto sa pag-uusap nila, minabuti na lamang ni Jose na umuwi at ipagtapat ang balitang ito sa kaniyang limang mga anak. Pagdating sa bahay, napansin kaagad ni Mark ang kalungkutang dala ng kaniyang ama.

“Itay, ano pong sabi ng mga doktor? Kamusta po raw ang nanay?” isa-isang tanong ni Mark. Humarap ang kaniyang ama at sinabing papuntahin ang lahat sa may sala upang sila lahat ay makapag-usap. Sa ilang segundo lamang, ang limang magkakapatid ay naka-upo na sa may sala at mahinahong hinintay ang nais ibalita ng ama.

Kinausap ng masinsinan ng ama ang kaniyang mga anak. Kitang-kita sa ama ang pagiging matapat ngunit bakas ang kalungkutan sa mukha nito.

“Mga anak, huwag kayong magbibigla pero nais kong sabihin ang sinabi ng mga doktor sa akin tungkol sa inyong ina. Hindi raw naging matagumpay ang panggagamot na nakuha nito,” paliwanag ng ama. Nagsi-iyakan na ang lahat ng magkakapatid, yakap ni Ina si Leslie habang umiiyak si Miguelito kasama ang kaniyang ate na si Nicole. Tula-lang tulala naman si Mark na hindi makapaniwala sa narinig na balita. Sinubukang pakal-mahin ng ama ang mga nag-iiyakang mga anak.

“Mga anak, sige ilabas niyo lamang ang inyong sama ng loob. Huwag kayong mag-alala sama-sama tayo sa matinding pagsubok na ito!” sabi ni Jose.

Sa sumunod na mga araw, bumalik na sa bahay ang kanilang ina na si Jane at mismong siya ay alam na ang kinalabasan ng kaniyang paggagamot. Hindi man lang nalungkot ito dahil sa taning ng buhay niya ngunit nalungkot ito dahil iiwan na niya ang limang mga anghel niya sa buhay, pati ang asawa niya. Sa bawat araw na nakakasama niya ang bawat isa sa kaniyang mga anak, palagi niyang pinapaalala dito na alagaan ang iba nitong mga kapatid at laging sumunod sa kanilang ama. Ang huling mga araw ni Jane ay naging makabuluhan sapagkat magkasama ng madalas ang buong pamilya nila.

Pagdating ng buwan ng Setyembre, labas pasok na si Jane sa ospital at dito’y kuma-lat na ng todo ang kaniyang sakit na kanser sa dibdib. Sa huling linggo ng buwang ito, sumakabilang-buhay si Jane. Mapayapa siyang namatay sa kwarto nito sa ospital kasama at katabi ang kaniyang mga minamahal na anak at ang matatag nitong asawa na si Jose.

Mga Paminsan-Minsan: Isang Pagbibigay-Pugay sa "Lohika ng mga Bula ng Sabon"

Habang hinahampas ng hangin
ang kabilugan ng buwan,
siya'y kumakatok sa aking bintana't
nag-aalok ng panandaliang himlayan
para sa aking kaluluwa
sa haligi ng kaniyang mga bisig.


Habang binubugbog ng usok
ang maaliwalas na kalangitan,
kaniyang winawasak ang aking pintua't
ako'y kaniyang itinutulak,
inihihiga sa kama't

hinuhubaran
ang kaluluwa.


Ginagahasa ang bawat ideya,
kinakadyot ang bawat salita
at makalipas ng kaunting panaho'y
inululuwal ko na ang bunga.


Paulit-ulit namin itong ginawa
hanggang sa ako'y mapagod
at halos magmukhang losyang na
ngunit himutok niya'y
“Sige pa, sige pa.”


Kaya ngayo'y kayrami na naming anak:

isa'y bulag,
isa'y kulang ang daliri sa kamay,
isa'y pipi't bingi,
isa'y ngongo.

Kayhaba pa ng listahan
ng mga iniluwal kong tulad nila:
disgrasya ang umpisa't
disgrasya rin ang kinalabasan.


Kailan ko matututunan ang mag-ingat?

Sa susunod, siya'y akin ng kakausapin
na sana'y ang bawat hagod ay marahan,
ang bawat halik ay malagkit,
ang bawat yapos ay madiin.


Ng sa gayo'y aking mailuwal
ang isang batang nakatakdang
yumanig sa mundo.


Ngayo'y ako'y muling naghihintay,
umaasa,
nananabik.

Sa pagdating ng tangi kong irog.

Si Sandali.
Aking talinghaga.
Ama ng aking bawat tula.

Sanggol

Naglalakad sa kalyeng puno ng basura
bigla na lamang may sumulpot na paa.
Dali-daling nilapitan ko ang nakita,
baka isang sanggol na buhay pa.

Aking binuhat at dinala ang sanggol sa hospital
umaasang doon ito’y kanilang magagamot
buong pagkatao ko’y nabalot ng awa
‘di maisip kung sino ang may kayang gumawa nito

Makalipas ang apat na oras na ako’y naghintay
Lumapit ang mga doktor sa akin
Upang sabihing ligtas na ang buhay
Ng sanggol na kanilang sinubukang gamutin


Sa sumunod na araw, binisita ko ang kaawa-awa
Isipin mo sanggol pa lamang ay iniwan na
Ng mga magulang na walang puso at pag-aruga
Binali wala ang binigay sa kanila ng Diyos na bata

Dulot ng pagkatagpo sa nakaka-awang sanggol
Nagdesisyon akong ampunin na lamang ito
Bilang isang ina ring may mga anak sa Bohol
Ito’y madaling pagpapasiyang aking ginusto

Naisip kong ito marahil ay kagustuhan ng nasa itaas
Sa aking asawa ako’y humingi rin ng basbas
Mula ngayon kaming dalawa ang magbibigay alaga
Tiyak akong tunay na pagpapalaki aming magagawa


Masaya kong dinala sa aking ibang mga anak
Ang kanilang bagong magiging kapatid
Ilang panahon ang dumaan at lumaki rin ang sanggol
pang habang-buhay ang kasiyahan na hinatid

Sa Parke ng San Mateo, Isang Anghel

Masaya ang parke ng San Mateo. Taas noong ipinagmamalaki ng mga taga- San Mateo ang lugar na ito. Ang bawat sulok ay napupuno ng galak at saya. Ng tawanan at tamis. Ang parke ng San Mateo ang pinakamasayang lugar na maaaring mapuntahan, ayon sa kanila. Walang bahid at dalisay. Katulad rin ng ibang parke, may pangakong kasiyahan at kaunlaran ang pangakong lupa.

***

Katulad ng dati, wala pa ring kapaguran ang lugar. Bawat sulok ng parke ay napupuno ng buhay. Malimit talagang magpunta rito ang mga tao. Lalo pa’t kasamang dumating ng buwan ng Disyembre ang malamig na simoy ng hangin. Masarap sa pakiramdam ang marahang paghaplos nito sa balat. Isama mo pa ang musika ng nagkukuskusang dahon ng mga puno ng niyog na pumapalibot sa gilid ng parke. Mauulinigan din ang yabag ng mga tao sa sementadong sahig; ang halakhak ng mga batang naghahabulan; at ang hagikgik ng mga dalaga’t binatang nagliligawan. Ang lahat ay nakangiti at nagtatawanan.

Sa may bandang gitna matatagpuan ang isang malaking fountain. Nakaaaliw ang biglaang pagbulusok ng tubig paitaas at marahang pagbaba. Dito rin naghahandog ng maliit na palabas ang mga Sirkero at grupo ng mga mananayaw para sa kaunting barya. Si Kuya Pedro ang lider ng mga nagsisitalunang mga mananayaw. Malaki ang kalamnan at may kaunting kaitiman si Kuya Pedro. Maitim rin ang kaniyang mga ngipin at naninilaw ang mga mata, dala marahil ng madalas na paninigarilyo. Gayunpaman, hindi siya kinatatakutan ng mga dumadalo sa parke. Wala kasing pakialam ang mga tao sa kung ano mang ugali mayroon si Kuya Pedro basta’t nakapagbibigay siya at ang kaniyang grupo ng aliw. Dahil dito, galante ang mga taong magbigay ng kanilang mga pera sa tuwing nagtatanghal sila sa may fountain. Matapos ngang magtanghal ang mga ito, magtutungo na ang mga bata sa kabilang dulo ng parke kung saan naroroon ang Istante ng pisbol ni Mang Jose.

Katulad nina Kuya Pedro, malakas rin naman ang kita ni Mang Jose. Kumpol- kumpol ang mga taong bumibili sa pisbol at kikyam ng matandang ito. Sa halagang singkwenta sentimo’y tiyak na mabubusog ka sa linamnam ng tinda niya. Lalo pa kung isasawsaw mo ang mga ito sa espesyal na sawsawang suka at bagoong. Walang sawa ang pagtangkilik nila sa luto ni Mang Jose. Kahit na paminsa’y pinapaulanan siya ng tukso ng mga bata dahil sa pagiging bungal, panay pa rin ang ngiti ng matanda. May kumalat na haka-haka noon na minsan daw ay nakitang nakahalo sa masarap na sawsawan ang pustiso ng matanda. Pinabulaanan na lang ito ni Mang Jose kasama ang pagpapaliwanag na sinisiraan lamang siya ng kapwa tindero ng pisbol.

Habang nagpapakasawa sa katatakbo ang mga bata sa gitna ng parke, ang ilan naman ay nakaupo lamang at nagmamasid mula sa mga yantok na upuan sa ilalim ng puno ng niyog. Madalas ang matatanda ay abala sa paggagantsilyo, karaniwang gawain ng matatanda. Ito ang gawain ni Lola Rosa na palagiang nakaupo sa tapat ng pisbol istand ni Mang Jose kung saan walang tigil ang pagbili ni Butchikik, ang kaniyang apo. Mukhang palaging may malalim na iniisip si Lola Rosa. Mapapansing madalas, habang tinitignan ang mga bata, kumukunot ang noo niya’t napapailing.

Mga ilang dipa mula sa upuan ni Lola Rosa makikita ang naglalako ng mga lobo. Bago lang ito sa parke ngunit mabilis namang pumatok ito sa mga namamasyal. Madali kasing mapansin ang iba’t ibang kulay ng kaniyang mga lobo. Sari-saring lobo ang dumaragdag sa kagandahan ng parke. Pula at dilaw ang kalimitang kulay ng mga lobo. May korteng aso, korteng puso at ‘yung ordinaryong bilog ang korte. Mas lalo tuloy nakapanghihinayang ang di sinasadyang paglipad nito sa langit dahil sa kapabayaan ng mga batang nagkakatuwaan.

Mga bulaklak naman ang mabenta para sa mga magkasintahan. Buong sayang inaamoy ng mga kababaihan ang mga bulaklak. Walang kasing ningning ang mga mata habang pinapanood ang asul na himpapawid kasama ng kanilang minamahal. (Hindi marahil napapansin ang mabilis na paglanta ng bulaklak.) Sa mga araw tulad ng sa Pebrero napupuno ang parke ng mga magkasintahang bumibili ng mga rosas. Matamis ang bawat ngiti at kahit mahina ang pagbubulunga’y ‘di lingid sa isipan ng lahat ang pamumukadkad sa kanilang mga hardin

Kasama ng paglubog ng araw nabubuo ang panibagong buhay sa parke. Binubuksan ang iba’t ibang ilaw na nakapaligid sa mga parol na nakasabit sa mga puno ng niyog. Mga nakasisilaw na dilaw at asul na ilaw ang pumapalibot sa mga puno. Sa mga oras na ito, nagsisimulang magsilabasan ang mga tindera ng puto bumbong at bibingka. Ang mga Sirkero’y pumupwesto na sa may fountain sabay sayaw, talon at kanta. Maghahagis naman ng barya ang mga taong may hawak na puto bumbong o di kaya’y pisbol. Kaunti na lamang ang mga batang naghahabulan ngunit dumarami naman ang bilang ng mga mag-asawa’t magkasintahang naglilibot.

Sa paglalim ng kadiliman ng gabi, unti-unting nauubos ang mga tao. Isa-isa silang nagsisialisan, badya upang magpahinga na ang parke. Patay na ang makukulay na ilaw ng pasko. Matapos ang lahat ng mga aktibidades sa paligid, ang ingay ng sigaw at halakhak, muling maririnig ang ihip ng hangin. Malamya ang mga nota ng nagluluksang mga puno. Tahimik ang pakikiramay ng parke. Sa ilalim ng upuan na yantok, sa tabi ng puno ng niyog, buong lungkot na pinagluluksaan ng parke ang bawat patak ng luhang kinalimutan ng madla. Mga hikbi. Mga patak ng luha. Nag-iisang humihimlay sa piling ng parke.